Mayor Niña, Binigyang-Diin ang Halaga ng Pag-Ibig sa Sariling Bayan sa ika-125 na Araw ng Kalayaan

“Ang pagmamahal sa bayan ay isang kabayanihan.”

Ito ang isa sa mga naging mensahe ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa ika-125 na paggunita sa Araw ng Kalayaan ngayong araw, ika-12 ng Hunyo 2023.

 

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga pang-araw-araw na gawain na kahit maliit na ambag lamang ay nagpapahiwatig naman ng tunay na pagmamalasakit sa bayan bago ang pangsariling kapakanan.

 

Sa isang maikli ngunit makabuluhang programa sa Balon Bayambang Events Center na inorganisa ni Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office head Dr. Rafael L, Saygo, tampok ang isang makabagbag-damdaming tableau presentation na binuo ng mga guro at estudyante ng Bayambang Polytechnic College.

 

Naghatid din ng mga marubdob na mensahe sina Sangguniang Bayan Chairman on the Committee of Education, Culture, and Arts, Councilor Mylvin ‘Boying’ Junio, Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, at Bayambang Municipal Council for Culture and Arts Executive Director, Ret. Prof. Januario Cuchapin.

 

Sinariwa ni Prof. Cuchapin ang mga naging sakripisyo ng ating mga pambansang bayani upang makarating tayong mga Pilipino sa puntong ito na may kasarinlan at may kalayaang piliin ang daan na ating nais tahakin.

 

Kasama sa mga dumalo sa programa ang mga Municipal Councilors, LGU department heads, consultants, at employees, at DepEd officials at teachers.