“Huwag ipagpalit ang pangarap sa panandaliang sarap. Lahat ng bagay ay may tamang panahon.”
Ito ang mga katagang binitiwan ni Mayora Niña Jose-Quiambao sa kanyang mesahe sa ginanap na Teenage Pregnancy Summit 2022 noong August 20 sa Balon Bayambang Events Center.
Ang summit ay parte ng pagdiriwang ng LGU sa Linggo ng Kabataan 2022 sa pag-oorganisa ni Local Youth Development Officer Johnson Abalos.
Doon ay ipinatawag ang walong sektor na pinaka-apektado sa isyung ito, kabilang na ang Sangguniang Kabataan (SK) chairpersons, mga Binibining Bayambang, Philippine National Police, Barangay Health Workers, at iba pa, upang magkaisang bumuo ng mga posibleng programa at proyektong makatutulong upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng teenage pregnancy sa Bayambang.
Bago pa man magkaroon ng planning workshop ay tinalakay ng mga speaker ang mga datos na importante sa naturang isyu pati na rin ang mga aspeto kung bakit maraming kabataan ang nasasangkot sa maagang pakikipagtalik, upang masigurong magiging epektibo ang mga plano at solusyong mabubuo ng bawat isa. Naging tagapagsalita sina Population Program Worker II Alta Grace Evangelista, Provincial Population, Cooperative, and Livelihood Development (PPCLD) Nurse 1 Sarah Jane Altamirano, PPCLD District Population Officer Marilyn D. Castro, Commission on Population Regional Office 1 Information Officer 1 Mae Grace M. Ariola, mga pastor ng Victory Church na sina Ptr. Khrys Lawrence Bautista at Ptr. Jeff Eliscupidez, at Bb. Bayambang Anti-Teenage Pregnancy Advocate, Bb. Daniela Daria May Llanilo.
Ayon naman sa mensahe ni Vice-Mayora Ian Camille Sabangan, laging bukas ang pinto ng lokal na pamahalaan para sa bawat isa at maaasahang patuloy na magsusulong ng iba’t-ibang programang nakatuon sa pag-angat ng buhay ng mga kabataan at kababaihan.
Isang paala-ala rin para sa mga magulang at kabataan ang laman ng mensahe ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad.
Naroon din sina Councilor Levinson Nessus Uy at SK Federation President Gabriel Tristan Fernandez upang magbigay ng suporta.
Naging aktibo ang lahat ng partisipante sa pagbibigay ng kanilang suhestiyon dahil na rin sa kanilang masidhing malasakit sa kapwa Bayambangueño.
Sa kanya namang panghuling mensahe, binigyang-diin ni Municipal Health Officer, Dra. Paz Vallo ang importansya ng papel ng pamilya sa pag-iwas sa teenage pregnancy. Aniya, mahalagang magkaroon ng “magandang atmosphere sa loob ng bahay — may respect, love, at open communication.” Kanya ring hinikayat ang lahat ng kabataan “to be the change in their community.” “Mag-isip muna bago bumukaka,” dagdag na payo niya.
Ayon sa datos ng Population Commission, may 23,855 na kaso ng teenage pregnancy sa bansa sa taong 2020.
Sa Bayambang, may 1,498 na kaso ang naitala mula 2017, at nitong January hanggang June 2022 ay may 155 na kabataan na ang nabubuntis. Ang pinakabata sa kanila ay 13 taong gulang lamang.
[smartslider3 slider=2322]