Ang mental health ay hindi gaanong napagtutuunan ng pansin, ngunit kapag ito ay napabayaan, kitang-kita ang epekto ng pagkakaroon ng mental health problems sa sinuman, kabilang na ang pagbaba ng antas ng pisikal na kalusugan.
Kaya sa gabay nina Mayor Niña Jose-Quiambao at Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, kasalukuyang nagaganap ngayon ang tatlong araw na “Tulong, Alalay, at Gabay (TAG) Orientation Program” na inorganisa ng Rural Health Unit (RHU) ng Bayambang, sa pangunguna ni Municipal Health Officer, Dra. Paz Vallo, at sa tulong ng DOH Region I. Ito ay nagsimula noong August 17 at matatapos sa August 19 sa 3F, Royal Mall.
Ang orientation program na ito ay kabilang sa Mental Health Program ng Department of Health na nakapaloob sa Republic Act 11036, o mas kilala bilang Mental Health Act, na naglalayong mapalawig ang pagbibigay ng mental health services sa bawat Pilipino.
Kamakailan, dahil sa pandemya, ay nagkaroon ng pagtaas ng kaso ng suicide dito sa Bayambang, kaya naman ay inorganisa ang programang ito upang malaman kung ano ba ang kailangan ng isang taong nagpapakita ng sintomas ng mental health issues, kung kailangan niya ba ng tulong (kapag mayroon nang self-harm), alalay (kung mayroong mga pinapakitang sintomas ng depresyon), o gabay (kapag ang tao ay maaaring magkaroon ng depresyon).
Ito rin ay pagsasanay sa mga dumalo upang madala nila ang kanilang mga natutunan sa kani-kanilang mga barangay.
Dinaluhan ang naturang programa ng mga nurse, midwives, Barangay Health Workers, at ilang mga Binibining Bayambang.
[smartslider3 slider=2319]