Capability Enhancement Training para sa Pamilya ng OFWs Isinagawa


Sa pakikipagtulungan ng LGU Bayambang, nagsagawa ang provincial government ng Capability Enhancement Training para sa mga pamilya ng OFWs ng Bayambang noong October 25 sa Balon Bayambang Events Center.

Layunin ng aktibidad na humikayat ng mga local volunteers upang magmatyag tungkol sa illegal recruitment at human trafficking sa kani-kanilang barangay at magsumbong sa mga awtoridad. Layunin din ng programa ang ipaalam sa mga pamilya ng OFWs na maraming benepisyo silang maaaring makuha sa OWWA (Overseas Workers Welfare Administration). Hinihikayat lamang na sila ay mag-organisa bilang isang OFW Families’ Association.

Sa kanyang talumpati, pinuri ni Vice-Mayor Raul Sabangan ang mga nagsipag-attend. Itinuturing niya itong isang pagsuporta sa “Rebolusyon Laban sa Kahirapan” na nauna nang inilunsad ng munisipalidad noong nakaraang National Heroes’ Day. Kabilang sa mga bumati ay sina Councilor Martin Terrado II at Senior Tourism Officer Rafael Saygo na kumatawan sa OIC Municipal Administrator, Atty. Raymundo B. Bautista Jr.

Ayon kay Rachel Jose, provincial Local Employment Officer I, napag-iiwanan ang Bayambang sa mga benepisyong maaaring makuha ng mga pamilya ng OFWs dahil sa pagkawala ng Bayambang Families of Overseas Workers Association or BAFOWA. Kabilang aniya sa mga benepisyo ay financial assistance, livelihood package tulad ng Bigasang Bayan project, at training facilitation gaya ng Basic Financial Management seminar.

Sa kanyang lektyur, isinulong ni Jose ang pagtatag sa bayan ng “Bantay-Barangay Tulong-Hanapbuhay Program” ng pamahalaang panlalawigan upang masawata ang mga kaso ng illegal recruitment at human trafficking at tumulong na rin sa paghahanap-buhay ng naiwang pamilya ng OFW.

Pagsang-ayon ni Gerenerio Rosales, PESO Bayambang Action Desk Officer, “Ang Bayambang ang may pinakamataas na bilang ng OFWs – mga 4,000-plus — sa buong Pangasinan.”

Ayon naman sa diskusyon ni Christopher Dioquino, Consultant ng Pangasinan Migration and Development Council, parating may nirereport sa kanilang tanggapan na biktima ng illegal recruitment sa Bayambang. Tinalakay ni Dioquino ang iba’t-ibang dahilan kung bakit nagiging biktima ng illegal recruiters ang ilan sa ating mga kababayan, at iba pang mga realidad ng buhay OFW.

May mga 40 katao ang dumalo sa naturang training.

[smartslider3 slider=256]

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *