Serbisyo ng Munisipyo, Dinala sa Bongato

Ramdam na ramdam ang pagmamahal ng Lokal na Pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor Cezar T. Quiambao at Vice Mayor Raul R. Sabangan, sa mga Bayambangueño sa Bongato East at Bongato West matapos dalhin doon ang serbisyo ng buong munisipyo sa pamamagitan ng programang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan sa Bagong Normal.

 

Higit sa 550 na mga residente ang nagpalista sa field services, at sa onsite services na ginanap noong Setyembre 30, 2021 sa Bongato East Covered Court kabilang na ang medikal, dental, at iba pang serbisyo ng pamahalaang lokal.

 

“Balbaleg so panangaro nen Mayor tan Vice Mayor tan irarayay empleyadod munisipyo dyad sikatayo ta ag da tayo nalilingwanan tan nanengneng ti met dyad gagawen dan serbisyo para’d sikatayo (Napakalaki ng pagmamahal ni Mayor [Quiambao] at Vice Mayor [Sabangan] at ng mga empleyado ng munisipyo sa atin dahil hindi nila tayo nakakalimutan at nakikita naman natin sa ginagawa nilang serbisyo para sa atin),” pambungad na mensahe ni Punong Barangay Rolando Manlongat ng Bongato East.

 

Sa kanya namang mensahe, sinabi ni Mayor Quiambao na, “Pinagpasyahan naming ituloy ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan kahit na may pandemya dahil naniniwala kami na mas kailangan ninyo ito ngayon.” Paliwanag niya, mas marami ngayon ang mas nahihirapang magtungo sa bayan para tumanggap ng serbisyo ng munisipyo kaya mas pinaigting ang paglapit nito sa mga tao. Sumisimbolo lamang ito na sa anumang uri ng sitwasyon ay hindi tumitigil ang pagtupad ng alkalde sa mga pangakong binitiwan para sa lahat ng mga Bayambangueño.

 

Kasama sa programa ang Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc. at sina Vice Mayor Sabangan, Konsehal Levinson Uy, Konsehal Martin Terrado II, Konsehal Joseph Vincent Ramos, Konsehal Mylvin Junio, Konsehal Philip Dumalanta, at Konsehal Amory Junio na walang sawang sumusuporta sa Komprehensibong Serbisyo sa Bayan bilang parte ng pagsulong ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan.

 

Samantala, iniulat ni Rural Health Physician, Dr. Roland M. Agbuya ang kasalukuyang estado ng bayan ukol sa COVID-19. Panay naman ang hikayat ng mga tagapag-salita sa mga dumalo na sumunod sa public health protocols at suportahan ang programa na pagbabakuna para sa kaligtasan ng bawat isa.

Tuluy-tuloy ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan upang ipakita sa mga Bayambangueño na kailanman ay hindi sila pababayaan ng Lokal na Pamahalaan.

 

[smartslider3 slider=1778]