Tourism Month 2021 Celebration

MTICAO, inilatag ang 10-year Tourism Development Plan sa 9 Distrito

Administrasyong Quiambao-Sabangan, todo suporta sa turismo ng bayan

 

Ang magbigay trabaho at pag-asa sa gitna ng pandemya ang layunin ng Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office (MTICAO) sa selebrasyon ng Tourism Month 2021.

 

Bagamat hindi katulad ng mga nakaraang selebrasyon ng Buwan ng Turismo, naging makabuluhan pa rin ang pagdiriwang sa Balon Bayambang Events Center noong September 27 dahil ibinahagi ng MTICAO ang Development Plan para sa siyam (9) na distrito ng bayan na makakatulong sa pag-usbong ng turismo, paglago ng malalaki at maliliit na negosyo, at pagkakaroon ng trabaho para sa mga Bayambangueño.

 

Sa pagbubukas ng programa, malugod na binati ni Committee on Tourism Chairperson, Konsehal Joseph Vincent Ramos, ang mga nagsipagdalo sa okasyon. Ayon sa kanya, kahit may pandemya ay patuloy na gumagawa ng paraan ang opisina ng turismo upang magkaroon ng magandang tourist destinations at lalong makilala ang bayan ng Bayambang.

 

Pangako naman ni Vice Mayor Raul R. Sabangan, “Nandito po ang Sangguniang Bayan when it comes to resolutions na kailangan ninyo upang maipagpatuloy ang inyong mga misyon upang pagandahin pa at paunlarin ang ating turismo.”

Kabilang sa mga proyektong aabangan ay ang bamboo floating restaurant sa District 1, culinary tourism para sa District 2, retirement hideaway sa District 3, biking site sa District 4 at 5, agri-aqua getaway sa District 6, heart of Bayambang sa District 7, agri-tourism sa District 8, at cultural and historical hub sa District 9.

Naroon naman ang mga Punong Barangay, LGU department and unit heads, at iba pang myembro ng Sangguniang Bayan kabilang sina Konsehal Martin Terrado II, Konsehal Amory Junio, Konsehal Philip Dumalanta, Konsehal Levinson Uy at Liga ng mga Barangay President Rodelito Bautista, bilang pagpapakita ng suporta sa programa.

 

Naroon rin si Mayora Niña J. Quiambao na isa sa malugod na sumusuporta at nagpapa-unlad sa turismo ng bayan. Aniya, nagsisimula pa lamang ang pagbabago at pag-usbong ng turismo sa liderato ng administrasyong Quiambao-Sabangan sa pangunguna ng kanyang asawa na si Mayor Cezar T. Quiambao na ninanais na mag-marka ang Bayambang hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo. Panawagan ni Gng. Quiambao, “Sana ituloy-tuloy natin ang pag-progreso at ang mga programa ng administrasyong Quiambao-Sabangan. Magtulungan po tayo at huwag tayong matakot sa pagbabago.”

 

Lubos naman ang pasasalamat ni Municipal Supervising Tourism Operations Officer Rafael L. Saygo sa mga dumalo at sa mga bumuo ng plano para sa pagyabong ng turismo sa bayan. Sambit niya, dati ay dinaraanan lamang ang Bayambang, subalit dahil sa administrasyong Quiambao-Sabangan, unti-unting nagkaroon ng pagbabago na nagbigay daan sa turismo para mas makilala ang bayan at maging isa itong kilalang destinasyon sa probinsya ng Pangasinan sa pamamagitan ng istatwa ni San Vicente Ferrer. Inihayag ni G. Saygo na isang 5,000 seating capacity stadium ang itatayo na malapit sa Saint Vincent Ferrer Prayer Park simula sa Disyembre 2021 at kasalukuyan nang nakikipag-usap sa mga investors para sa pagpapatayo ng isang mall doon.

 

Aniya, “Tourism is about making the lives of every Bayambangueño better… I am very sure that Bayambang will not just be known in the side of good governance, in the side of tourism, pero makikilala ang bayan ng Bayambang bilang isang bayang napagtagumpayan ang Rebolusyon Laban sa Kahirapan.”

 

[smartslider3 slider=1777]