KSB Team, Walang Alinlangang Nagsilbi sa Alinggan
“Maraming salamat kay Mayor CTQ dahil may libreng medical mission at nabigyan kami ng pagkakataon upang magpakonsulta ng aming kalusugan,” sambit ni Gng. Virginia Igne ng Alinggan sa Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 3 na ginanap sa Alinggan-Banaban Elementary School, Brgy. Alinggan noong Setyembre 13. Ito ay isa lamang sa mga karaniwang feedback na natatanggap ng Munisipyo tuwing mayroong Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) sa iba’t-ibang barangay.
Ngunit ang ay KSB hindi lamang isang medical mission. Ito ay isang mobile o roving one-stop shop ng mga serbisyo ng gobyernong lokal (hindi lamang medical services) na naisip na Mayor Quiambao na gawing proyekto noong 2017 upang ilapit ang Munisipyo sa mga malalayong barangay.
Kasama ang Barangay Alinggan, Banaban, Amanperez, at Malimpec sa District 7 sa mga barangay na naserbisyuhan.
Kabilang sa mga dumating na opisyal sina Councilor Amory Junio, Councilor Philip Dumalanta, Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. Managing Director Romyl Junio, at ang overall coordinator ng KSB na si Municipal Health Officer Dr. Paz Vallo, kasama si Dr. Adrienne Estrada at Dr. Henry Fernandez.
Naroon din sina Municipal Treasurer Luisita Danan at Municipal Assessor Annie de Leon, kasama ang mga kawani ng munisipyo sa lahat ng departamento upang magbigay ng iba’t-ibang frontline services o transaksyon sa Munisipyo at maging ng mga national agencies tulad ng PNP, BFP, at COMELEC.
Naroon siyempre si Alinggan Punong Barangay John Benedict Junio at iba pang barangay officials, kasama ang Division Nurse na si Jessica C. de Vera.
Sa pambungad na pagbati ni Alinggan-Banaban Elementary School OIC Mercy Taguiang, sinabi niyang “isang malaking karangalan na dito ganapin ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 3 at buong puso namin kayong pinapatuloy sa aming paaralan.”
Inihatid naman ni Municipal Administrator, Atty. Raymundo Bautista Jr., ang mensahe ni Mayor Cezar T. Quiambao. “Patuloy kaming nagseserbisyo sa inyong pangangailangan sa pamamagitan ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan.”
Sinamantala ni Atty. Bautista ang pagkakataon upang bigyang-linaw ang proseso sa pagkansela ng klase sa paaralan tuwing mayroong sama ng panahon. Aniya, “kung malakas na ang buhos ng ulan at delikado na ang panahon ay hindi na kailangang hintayin ang anunsyo ni Mayor CTQ, dahil may authority ang namamahala ng paaralan na magkansela ng klase para sa kapakanan ng kanyang mga mag-aaral.”
[smartslider3 slider=736]