Pinarangalan ang Team Tamaro noong ika-17 ng Disyembre 2018 sa Balon Bayambang Events Center matapos ang dalawang linggong bakbakan sa half-court sa katatapos na ikalawang 3×3 Inter-Barangay Junior Basketball Tournament.
Ang mga manlalaro na pinangunahan ng MVP na si Pepito Panganiban, Michael T. Soriano, Ramon Fernandez, at Rex John Perez, ay nag-uwi ng tropeo at cash prize na P10,000 sa ipinamalas nilang galing.
Nakatunggali nila ang Barangay Sanlibo sa kampeonato na pinangunahan ng mga manlalaro na sina Veejay B. Palisoc, John Cedric D. Bugayong, Crisanto V. Peralta, at Jayvee R. Peralta. Ang Team Sanlibo ay nag-uwi ng tropeo at P5,000 cash prize.
Nasungkit naman ng Zone 6 ang 2nd runner-up na pwesto matapos talunin ang Barangay Bical Norte. Ang Team Zone 6 ay tumanggap ng tropeo at cash prize na P3,000 pesos.
Ang third runner-up naman na Brgy. Bical Norte ay tumangap ng P2,000 cash prize at tropeo.
Matatandaang ginanap sa Barangay Amanperez at Inirangan ang tournament mula noong December 2 hanggang December 15 na nilahukan ng 44 na barangay ng Bayambang.
Layunin ng kumpetisyong ito na mailayo sa bisyo ang mga kabataan sa pamamagitan ng pagiging aktibo sa palakasan. Ayon kay Manolito Bulaga, Commissioner ng naturang palaro mula sa Municipal Sports Council under Prof. Bernardo Jimenez, halos nadoble ang bilang ng mga sumaping kalahok ngayon kumpara sa unang edisyon ng palarong ito.