Abong na Aro, Binuksan ng LCW

Ang Local Council of Women (LCW) ay may mandatong pangalagaan ang karapatan ng bawat babae sa Bayambang. Kaya naman noong ika-20 ng Disyembre ay nagdaos ng Inauguration at Ribbon-Cutting Ceremony para sa pagbubukas ng Abong na Aro o House of Love na siyang magsisilbing pansamantalang silungan para maprotektahan ang mga kababaihan at kabataan na nakaranas ng pang-aabuso o pananamantala.

Ang proyektong ito na pinangungunahan ni LCW President Mary Clare Judith Phyllis Jose-Quiambao ay matatagpuan sa Evacuation Center ng Barangay Wawa. Ayon kay Mayor Cezar T. Quiambao, hindi ito ang unang beses na gagamitin ang mga evacuation center ng Bayambang para sa ibang proyekto. Ang evacuation center sa Barangay Pantol ay kasalukuyang ginagamit ng mga myembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program bilang dressmaking facility na kanilang pinagkukunan ng kabuhayan, samantalang ang Evacuation Center sa San Gabriel 1st ay gagamitin bilang drug rehabilitation center. “Pinili po dito sa Wawa kasi malapit sa RHU 2, para kapag may kailangang alagaan ay pwedeng bisitahin ng mga nurses at duktor,” paliwanag ni Mayor Quiambao.

Lubos ang pasasalamat ni Punong Barangay Pepito Mejia sa lahat ng tumulong sa pagpapagawa ng Abong na Aro, kabilang dito si Engr. Vici Ventanilla na siyang naging contractor para dito. “Ginawa po ito para matulungan po natin ang mga kababayan natin dito sa bayan ng Bayambang na depressed o may problema,” ani Engr. Ventanilla. Kabilang din sa mga tumutulong sa LCW ang Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc., Sangguniang Kabataan, Municipal Physical Fitness and Sports Development Council, at ang buong lokal na pamahalaan ng Bayambang, kasama sina Municipal Social Welfare and Development Officer Lerma Padagas, at Rural Health Unit 1 at 2 heads Dr. Paz Vallo at Dr. Adrienne Estrada.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mrs. Quiambao na tinawag itong House of Love dahil nabuo ang proyektong ito dahil sa pagmamahal niya at ni Mayor Quiambao sa bawat Bayambangueño. Sinabi rin ni Mayor Quiambao na nais ring magpagawa ng kanyang maybahay ng Home for the Aged kung saan maaaring tumuloy ang mga matatandang Bayambangueño na wala nang kasama sa buhay.

“Sana lahat ng panaginip natin ay mangyari,” hiling ni Mayor Quiambao. Marami pang mga proyektong inihanda ang administrasyong Quiambao-Sabangan sa darating na taon para sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan. Nabanggit rin ni Senior Tourism Operations Officer Rafael Saygo na kabilang ang Abong na Aro sa mga programa sa ilalim ng Socio-Cultural Protection and Social Development ng Bayambang Poverty Reduction Plan.

Halos mapuno naman ang Evacuation Center dahil sa mga naging kaisa sa pagbubukas ng pasilidad. Naroon si Binibining Bayambang Vice Chairperson Ian Camille Sabangan, mga Punong Barangay, mga miyembro ng LCW sa bawat barangay, mga Binibining Bayambang, mga department head at mga myembro ng LGU, ang SK Chairman ng Barangay Wawa, mga residente ng Barangay Wawa, at iba pang mga bisita. Si Rev. Fr. Allen O. Romero naman ang nanguna sa pagbabasbas ng pasilidad.

Ang Abong na Aro ay mayroong mga kuwarto, may kusina, prayer room, at library dahil naniniwala ang LCW sa kabuuang paggaling ng mga biktima ng pang-aabuso. Sa ngayon ay kinukumpleto pa ang mga kagamitan sa pasilidad bago ito pormal na buksan sa darating na Enero o Pebrero.

[smartslider3 slider=460]