DepEd Usec Densing, Nakipagpulong sa Bayambang

Bumisita sa bayan ng Bayambang si Department of Education Undersecretary Epimaco Densing III upang alamin ang mga problema sa imprastraktura ng iba’t ibang paaralan sa Rehiyon 1 at pag-usapan ang mga paraan upang malutas ang mga ito. Sa pagpupulong na ginanap sa Municipal Conference Room ng munisipyo sa unang araw ng Hunyo 2023, isinumite ng mga representante mula sa mga Schools Division Office ng iba’t ibang bahagi ng probinsya ng Pangasinan ang mga plano para sa mga classrooms at iba pang infrastructure projects upang masiguro na komportable ang mga mag-aaral at sila ay maging mas ganadong matuto.

 

Pinangunahan ang pagpupulong ni Mayor Niña Jose-Quiambao, kasama si Special Assistant to the Office of the Mayor, Dr. Cezar T. Quiambao, at sina ASDS Marciano U. Soriano Jr. at Engr. Tatum Grace Manzano ng Dagupan City, SDS Vivian Luz Pagatpatan, Chief SGOD Arturo Viray at Division Engineer Merjorie Corpuz ng Alaminos City, SDS Fatima R. Boado, Atty. Leizl B. Villanueva, Engr. Steve Manzano at Engr. Kimberly Abad ng Pangasinan 1, SDS Aguedo C. Fernandez at Engr. Charles Bangdo ng Urdaneta City, ASDS Wilfredo Sindeyen at Engr. Charles Bando ng Pangasinan 2, at ASDS Arlene Casipit, EPS Marlon Ecol at Engr. Jesus Blaire Cruz ng San Carlos City. Naroon rin si Engr. Celso Manangan at Engr. Philip Nardo mula sa DepEd Regional Office.

 

Binigyang diin ni Mayor Quiambao ang problema sa pagbawi ng Bayambang Central School na ilang taon nang ipinaglalaban ng Lokal na Pamahalaan. Nangako naman si Usec. Densing na tututukan ito upang maibalik na ang paaralang ito na malaking bahagi ng kasaysayan at ng kinabukasan ng Bayambang.

 

Ang magandang ugnayan sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang at DepEd ay indikasyon ng mabuting pamamahala sa ilalim ng administrasyong Quiambao-Sabangan. Sa pagpapatibay ng ugnayang ito, masisiguro ang maayos at mabuting estado ng mga paaralan kung saan mas komportableng matututo ang mga kabataan para sa isang “bansang makabata at batang makabansa.” Malaking parte rin ito ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan na kinikilala ang edukasyon bilang isang epektibo at mahusay na sandata sa pag-abot ng magandang kinabukasan para sa bawat Bayambangueño at Bayambangueña.