Sa huling Biyernes ng Love Month, February 24, idinaos ang isang kasalang bayan sa Balon Bayambang Events Center, kung saan naging principal sponsors sina Mayor Niña Jose Quiambao, Vice-Mayor Ian Camille Sabangan at former Vice-Mayor Raul Sabangan, kasama ang lahat ng Municipal Councilors.
Gaya ng mga nakaraang mass wedding sa ilalim ng Quiambao-Sabangan administration, ang libreng kasalan na ito ay ginawang engrande ng Municipal Local Civil Registry Office sa direksyon ni LCRO G. Ismael Malicdem Jr., mula sa entrance ng entourage, table setting, hanggang sa stage, at intermission numbers.
May 50 na magkasintahan ang opisyal na ikinasal, at ito ay sinaksihan ng kani-kanilang mga magulang at ang mga iba pang ninong at ninang.
Sa mensahe ni Mayor Niña, kanyang pinaalalahanan ang mga bagong kasal na mahalin ang kanilang mga misis o mister maging sino pa man sila. Pinadinig din niya ang kantang ‘Maging Sino Ka Man’ upang kanilang maramdaman ang mensaheng ito.
Sa huling parte ng seremonya, nangibabaw ang kilig moments dahil sa official kiss ng mga magkabiyak. Nagkaroon din ng Longest Kiss Contest at may pitong newlywed couples ang nag-uwi ng tig-P5,000.
Matapos ang isang formal dinner, ang mga couples ay nag-uwi rin ng libreng framed wedding photo at wedding gifts.