Bayambang, May Pinakamaraming 4Ps Grads sa Rehiyon Uno

Ang ikalawang batch ng graduates ng DSWD-Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps sa bayan ng Bayambang na kinabibilangan ng 1,149 na dating benepisyaryo ay isang patunay na ang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nagiging daan upang maiangat ang lebel ng pamumuhay ng mga mahihirap.

 

Ang seremonyang ito na ginanap sa Pavilion 1 ng St. Vincent Ferrer Prayer Park ngayong December 14 ay dinaluhan nina Mayor Niña Jose-Quiambao upang personal na icongratulate ang mga graduates, kasama sina Municipal Administrator, Atty. Rajini Sagarino-Vidad at si BPRAT Chairperson Dr. Rafael L. Saygo. Naroon din ang National Program Management Director Gemma Gabuya at kasama si Assistant Regional Director Marlene Febes D. Peralta, pati na rin ang representante ni Gov. Ramon Guico III na si Provincial Consultant on Social Services, Mark Roy Macanlalay, at representante naman ni Cong. Rachel Baby Arenas na si Gng. Jessica Guerco upang magbigay ng pagbati sa mga nagsipagtapos.

 

“Ang graduation ceremony ay isang katuparan sa goal ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan na maging zero ang 4Ps sa bayan,” pahayag ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa kanyang mensahe, “dahil ang Pantawid Pilipino Program is not a financial assistance program. Sabi nga nila, ‘Give a man a fish, and you feed him for a day. Teach a man to fish, and you feed him for a lifetime.’ Pero bago mo turuang mangisda ang isang tao, kailangan mo munang siguruhin na hindi siya nagugutom. Kaya sana magsilbi kayong inspirasyon sa mga natitira pang benepisyaryo ng 4Ps upang sila ay magpursigi at magtrabaho para sa kanilang magandang kinabukasan,” wika niya.

 

Mensahe naman ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, na inihatid ng kanyang staff na si Victoria J. Malagotnot, “Ang pagtatapos sa 4Ps ay hindi nangangahulugang yumaman na kayo sa buhay. Ito ay nagpapahiwatig ng positibong pananaw sa pag-unlad gaya ng edukasyon, kalusugan at kabuhayan sapagkat kayo rin ay isang ehemplo ng programang ito. … Bagama’t kayo ay nagsipagtapos, tuluy-tuloy pa rin ang lokal na pamahalaan sa paggabay sa inyo upang lalong maging produktibo at patuloy na makaahon kayo sa kahirapan.”

Sa sariling inspirasyunal na mensahe, ipinaalala ni National Program Management Director Gemma Gabuya na, “Ang goal ng programa ay makatawid kayo sa kahirapan at naniniwala ako na nagkaroon kayo ng tiwala sa sarili na may kakayahan kayong umunlad. Ito ang sinasabi kong tagumpay, sapagkat napagtapos ninyo ang inyong mga anak sa elementarya at sekondarya gamit ang Pantawid Pilipino Program dahil sila ang susi para mahinto ang kahirapan upang maiahon ang inyong pamumuhay.”

 

Iprinisenta naman ni BPRAT Chairperson, Dr. Rafael L. Saygo, ang Sustainability Plan 2022, bilang suporta ng LGU sa pagsigurong ‘di na muling magbabalik pa sa kahirapan ang mga nagsipagtapos sa programa. Nagkakaroon rin ng ceremonial signing para sa binuong Sustainability Plan sa pamamagitan ng MSWDO at BPRAT.

 

Naging bahagi ng programa ang kauna-unahang pagbibigay ng sertipiko ng parangal sa mga nagwagi sa dalawang patimpalak ng Municipal Social Welfare and Development Office. Sa Search for Huwarang Pantawid Pamilya, hinirang na winner ang pamilya Camacho mula sa Brgy. Paragos, 1st runner-up ang pamilya Parocha mula sa Brgy. Hermoza, at 2nd runner-up naman ang pamilya Junio ng Brgy. Ataynan. Sa Search for Exemplary Pantawid Pamilya Children, nangibabaw ang talento at katalinuhan ni Karylle Angeline Diaz ng Brgy. Langiran, 1st runner-up si Reagan T. Laza ng Brgy. Manambong Norte, at 2nd runner-up naman si Mark Angelo L. Pagalan ng Brgy. Manambong Sur.

 

Sa programa, nagbigay-aliw ang intermission number mula sa mga magagaling na mananayaw ng PSU-Bayambang, ang Matalunggaring Dance Troupe.

Ang tumatayong Team Leader naman ng DSWD Municipal Links na si Randy Cacayan ang nagbigay ng mga updates sa mga programa at proyekto na naganap sa bayan ng Bayambang at nagbalik-tanaw sa mga taon ng kanilang pagbibigay-serbisyo publiko.

Sa pagtatapos, naghatid ng surpresa si Cong. Rachel ‘Baby’ Arenas sa mga pinadala nitong raffle prizes at pinabaunan din ng DSWD ang mga graduates ng mug, T-shirt, at certificate.