Noong November 11, nagsagawa ang Sangguniang Bayan (SB) Committee on Rules, Laws and Ordinances at Committee on Transportation and Public Order and Safety ng isang public hearing ukol sa proposed draft ng “Ordinance Enacting the Tricycle Management Code of the Municipality of Bayambang, Pangasinan” sa Balon Bayambang Events Center.
Pinangunahan ang hearing nina Vice Mayor Ian Camille Sabangan kasama ang mga miyembro ng mga naturang komite na sina Councilor Benjie de Vera, Councilor Martin Terrado II, at Councilor Gerardo Flores. Naroon din sina OIC MPDO Ma-lene Torio, BSPO Chief Leonardo Solomon at representante mula sa PNP Bayambang. Naimbitahan din sa pagdinig mula sa opisina ng Land Transportation Franchising Regulatory Board si OIC Berlin Ross Gonzales upang maging gabay sa pagbuo ng naturang ordinansa.
Ang public hearing ay inorganisa ni SB Secretary Joel Camacho, at ito ay dinaluhan ng publiko, partikular na ng mga opisyal at miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) ng Bayambang, upang malaman ang kanilang saloobin at suhestiyon para makatulong sa pagbuo ng nasabing panukalang batas para sa isang maayos na public transport system sa bayan.