Isang kapanapanabik na sandali ang naging pagbubukas ng Bayambang River Cruise sa barangay ng Amancosiling Norte, nitong Biyernes, October 7, 2022.
Matapos ang ilang buwang paghahanda ng mga miyembro ng Bayambang Millennial Innovators (BMI) na pinangungunahan ng mga magkakaibigan at pawang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Amancosiling Norte na sina John Alfred Lajera (team leader), Amancosiling Norte SK Chairperson Dominic Terrado, Donny Hervacio, John Paul Vinluan, at Jethro Noah Medina katuwang si Local Youth Development Officer Johnson Abalos.
Naging matagumpay ang okasyong ito dahil sa walang humpay na suporta ng administrasyong Quiambao-Sabangan, LGU Bayambang, at ng konseho ng naturang barangay sa pamumuno ni Punong Barangay (PB) Almario Ventura.
Ayon kay G. Lajera, “Ang dating isang panaginip, ngayon ay katotohanan na dahil sa pagkakataong ipinagkaloob sa atin ni former mayor, Dr. Cezar T. Quiambao, at ng kasalukuyang Mayor na si Mayora Niña Jose-Quiambao.”
Dahil anila sa proyektong Millennials’ Challenge ni Dr. Quiambao kung bakit nabigyang pagkakataon na maisakatuparan ang matagal nang pangarap nilang magkakaibigan na nabuo nang isang araw ay sila’y nakaupo at nagkukwentuhan sa gilid ng kalsada habang nakaharap sa ilog na puno lamang ng talahib, matataas na damo, at kung minsan pa ay basura.
Ganito rin ang naging laman ng mensahe ni PB Ventura, nang kanyang isalaysay ang paghingi sa kanya ng tulong ng mga naturang kabataan. Lubos aniya ang kanyang pasasalamat sa mga ito dahil sa kanilang malawak na kaisipan at bisyon para sa komunidad na siyang nagbukas ng pinto ng maraming oportunidad para sa kanilang mga kabarangay. Sa kasalukuyan ay mayroon nang 19 registered at operational na stalls sa lugar na nag-aalok ng masasarap na pagkain sa mga bisita at kalaunan ay inaasahang tatangkilin na rin ng maraming turista. Ang mga may-ari ng stalls na ito ay mga residente ng barangay at iba pang bona fide Bayambangueño mula sa ibang barangay.
Mayroon na ring dalawang floating kubo kung saan maaaring makapagbonding ang magkakaibigan at buong pamilya habang kumakain sa gitna ng ilog. Ang kaligtasan at seguridad ng mga magpupunta sa lugar ay hindi na rin problema dahil tiniyak ng MDRRMO sa BMI na magkakaroon sila ng training sa mga residente ng barangay na magiging bantay sa lugar.
Sa mensahe ng alkalde ay hindi matigil ang kanyang pagmamalaki sa mga kabataang ito na pinanindigan ang kanilang pangako na itutuloy at gagawing reyalidad ang kanilang dating proposal lamang at ngayon ay nasimulan na nga. Hinikayat din nito ang mga Bayambangueño na tangkilikin ang lokal na tourist spot na ito at ang mga inaasahan pang mga tourist spot sa bayan.
Nagbigay rin ng mensahe sina Councilor Martin Terrado II at Councilor Amory Junio, pati na rin ang isa sa mga naging coach ng grupo na si PSU-Bayambang Campus Executive Director, Dr. Liza L. Quimson.
Naroon din sa programa sina Coun. Mylvin ‘Boying’ Junio, Coun. Benjie de Vera, Liga ng mga Barangay President Rodelito Bautista kasama sina Hermana at Hemano Mayor, Dr. Myrna Miguel at Dr. Nicolas Miguel.
Hindi naman umuwing bigo ang mga dumalo sa programa bagama’t umaambon dahil bukod sa Instagrammable na lugar ay nagkasiyahan din ang lahat at nakisabay sa performances ng bandang Avant Music.
Bago pa man ang seremonya para sa ribbon-cutting ay nauna nang umindak ang mga Zumba dancers na binubuo ng mga residente ng Amancosiling Norte at kalapit na barangay.
Mayroon pang papremyo kung saan ang limang makakakuha ng pinakamaraming reactions ng videos at pictures na ipopost sa Facebook ay mag-uuwi tig-P500 mula kay Konsehal De Vera.