Nagtulung-tulong ang mga ahensya at departamento ng pamahalaang lokal sa ilalim ni Mayor Niña Jose-Quiambao upang saklolohan ang mga naapektuhan ng pagguho ng isang bahagi ng Carlos P. Romulo Bridge o Wawa Bridge noong ika-3:30 ng hapon ng Oktubre 20.
Ating tunghayan ang mga naging aksyon ng iba’t-ibang ahensya at departamento.
- Assessment and Security
Nagsilbing first responder ang Wawa Barangay Council, BFP, PNP, MDRRMO, at Bayambang Public Safety Office (BPSO) para iassess ang mga biktima at isecure ang disaster area.
- Retrieval and Rescue
Matapos ang matagumpay na retrieval operation ng BFP, kaagad namang isinugod ng BPSO, MDRRMO, at RHU ang mga biktima sa Bayambang District Hospital habang binibigyan ng paunang lunas matapos silang dumanas ng minor injuries. Salamat na lang dahil ang lahat ng biktima ay pawang ligtas, kaya’t walang naging casualty sa insidente.
- Emergency Transport Service (Land and Water)
Samantala, kabilang sa mga na-stranded sa insidente ang mahigit 60 na mag-aaral mula sa iba’t-ibang eskwelahan sa bayan. Sa pagtutulungan ng mga department heads sa ilalim ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, sila ay tinipon sa Balon Bayambang Events Center upang isakay pauwi ng libre gamit ang mga sasakyan ng Munisipyo at pribadong kumpanyang AILC ng pamilya Jose-Quiambao.
Paglaon ay nagkaroon ng free boat rides sa araw sa tulong ng PDRRMO, Alaminos City LGU at San Carlos City LGU, kaagapay ang BFP, BPSO, MDRRMO, CIS, at Reaction 166.
- Information Dissemination
Nagkabit ng mga tarpaulin signages ang Munisipyo sa lahat ng boundary markers at istratehikong lugar, upang magabayan ang lahat ng motoristang apektado ng Romulo Bridge collapse, sa pagtutulungan ng BPSO, PNP, at Engineering Office. Naging abala naman si Mayor Niña at ang Public Information Office sa pagpost ng mahahalagang impormasyon sa social media.
- BayWad Water Line Repair
Dahil sa insidente ay nasira ang linya ng water supply ng Bayambang Water District na dumadaan sa tulay, kaya’t kaagad itong nirepair ng BayWad, sa tulong ng BFP. Tumulong naman ang MDRRMO sa pagtransport ng pansamantalang water supply sa mga kabahayang apektado.
- Construction of Pathway and Waiting Sheds for Boat Passengers
Isang pathway at mga waiting shed ang ginagawa ng LGU para madaanan at masilungan ng mga boat passenger-commuters na apektado ng pagbagsak ng isang bahagi ng Romulo Bridge kamakailan. Katuwang ng MDRRMO sa pathway construction at pati na ng terminal sheds ang AILC at Engineering, samantalang ang CIS at Reaction 166 ay tumutulong para sa maayos na pamamahala ng mga boat passengers. Namahagi rin ang LGU, sa pamamagitan ng MDRRMO, ng pagkain para sa mga personnel ng pamahalaan na nakatoka sa emergency transport.
- Retrieval of Trucks
Noong October 24, naging matagumpay ang retrieval operations para sa dalawang truck na sumama sa bumagsak na parte ng Carlos P. Romulo Bridge sa Brgy. Wawa. Dito ay nagtulung-tulong ang DPWH at LGU-Bayambang, partikular na ang MDRRMO, Engineering Office, at Motorpool. Nagpahiram din ng heavy equipment Agriculture Infrastructure and Leasing Corp. ng pamilya Jose-Quiambao, samantalang nagbigay naman ng security assistance ang PNP, BPSO, at Wawa Barangay Council.
- MDRRM Council Meeting Updates
Sa pulong ng MDRRM Council sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao (via Zoom), napag-usapan ang mga tulong na naihatid ng LGU, ang mga kailangang gawin pa katulong ang DPWH para sa construction ng bailey bridge sa loob ng dalawang linggo, at ang panuntunan sa darating na Undas. Ang pulong ay ginanap ngayong araw sa Niña’s Cafè.
- Construction of Bailey Bridge
Matapos matanggal ang dalawang truck, agad nang inumpisahan ang konstruksyon ng bailey bridge o temporary bridge sa nasirang bahagi ng Carlos P. Romulo Bridge o Wawa Bridge sa Brgy. Wawa. Magtatrabaho ng 24 hours sa 3 shifts ang mga personnel ng DPWH at Engineering Office ng LGU, kasama ang Motorpool. Inaasahang maitayo ang naturang bailey bridge sa loob ng dalawang linggo basta’t maganda ang panahon. Hanggang 5 tonelada lamang ang kaya ng naturang tulay, kaya one way lang ito sa ngayon, at ang maaari lamang dumaan ay mga pedestrian, bike, motorsiklo, at maliit na kotse. Ang LGU ay magpoprovide ng 30 laborers/construction workers at 15 welders sa emergency construction project na ito.