Sa pakikipagtulungan ng Municipal Health Officer na si Dra. Paz Vallo, ang Provincial Health Office (PHO) ay nagsagawa ng Buntis Tsek-up para sa mga teenager na buntis sa Balon Bayambang Events Center ngayong Setyembre 6.
Sa kaniyang espesyal na mensahe, binigyang-diin ni Mayor Niña Jose-Quiambao na, “Ang probinsya ng Pangasinan lalo na rito sa bayan ng Bayambang, prayoridad ang mga kababaihang buntis kaya inaalagaan namin kayo. Nariyan ang mga RHUs na tutugon sa mga pangangailangan ninyo.”
“Huwag ninyong ikakahiya na maaga kayong nabuntis. Dapat ay lagi kayong maging masaya at magtapos pa rin kayo ng pag-aaral lalo na ngayong nagbukas na ang Bayambang Polytechnic College upang matulungan kayong makapagtapos,” dagdag pa niya.
Ayon sa MHO, may 50 kababaihan ang dumalo sa Buntis Tsek-up na ito. 4 ang 15 anyos, 4 din ang edad 16, 11 ang edad 17, 12 ang 18 taong gulang, at 19 na edad 19. Sila ay mula sa iba’t ibang barangay ng Bayambang.
Pagkatapos ng maikling programa ay nagpamahagi ng Buntis Kits ang PHO at nagkaroon din ng lecture para sa mga kabataang buntis tungkol sa mga sumusunod na paksa:
- Teenage Pregnancy Statistics – Dr. Shayne DS. Borling;
- Post-Partum Family Planning – Ms. Sheryll R. Bascos;
- Nutrition and Pregnancy – Ms. Jhonelyn Prado;
- Oral Health and Pregnancy – Mr. Rod Ian Mendoza;
- Blood Loss in Pregnancy – Mr. John Patrick Rosario;
- Child Health – Ms. Divina Gracia C. Dioquino; at
- Post-Partum Depression – Dr. Anthony Carandang
[smartslider3 slider=2349]