Bayambang Polytechnic College, Nagbukas Na; Saygo, First President

Pormal nang binuksan ni dating mayor, Dr. Cezar T. Quiambao, ang isa sa pinakamalaking proyekto nito laban sa kahirapan, ang Bayambang Polytechnic College (BPC), sa makasaysayang programang ginanap sa Balon Bayambang Events Center noong September 5.

 

Kasabay ng formal opening na ito ay ang investiture ng kauna-unahang President nito na si Dr. Rafael L. Saygo.

 

Sa kanyang talumpati bilang founder ng BPC, inala-ala ni Dr. Quiambao na hindi ito ang unang pagkakataon na makapagpatayo siya ng kolehiyo dahil siya rin ang isa sa mga instrumento sa pagkakatatag ng College of Information, Communication and Technology sa Pangasinan State University-Bayambang Campus. Inalaala rin ni Dr. Quiambao na noong itinatag niya ang Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. noong 2005, nag-umpisa na siyang tumulong sa sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng livelihood at skills training, na ngayon ay may tens of thousands nang graduates.

Payo niya sa mga newly-accepted students ng kolehiyo, “Sana huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ito dahil pinaghirapan namin ito upang mabigyan kayo ng magandang kinabukasan.”

 

Mensahe naman ni Dr. Saygo, “Ako ay isang tubong Bayambang at tulad ng karamihan ay laki sa hirap ngunit nang dahil sa edukasyon ay nabago ang aking buhay.” Ang hirap na ito aniya ang naging inspirasyon at pundasyon ng kanyang matinding malasakit sa mamamayan na nag-udyok sa kanya upang maging isang guro at ipinagpatuloy ang serbisyo publiko nang maitalaga bilang Tourism Officer, Chairman ng Bayambang Poverty Reduction Action Team, at OIC ng Municipal Public Employment Services Office ng LGU-Bayambang.

“Ang kwento ko ay magiging kwento rin ng libu-libong kabataang Bayambangueño. At ang seguridad na mayroon ang aking pamilya ay matatamasa rin ng libu-libong Bayambangueño.”

 

Sa kanyang sariling talumpati, sinabi ni Mayor Niña Jose-Quiambao na, “When Cezar and I decided to build this school, there was no better choice for us than Dr. Saygo to lead the endeavor. Ang mga katulad nila na nakaranas na makaahon mula sa hirap dahil sa edukasyon ang mas nakakaintindi ng impact nito sa buhay ng ating mga kapwa Bayambangueño.”

Isa pang dahilan ng pagtatatag ng BPC ay ang reyalidad na magpahanggang ngayon ay limitado pa rin ang bilang ng mga estudyanteng kayang i-accommodate ng PSU-BC, at sa pagbubukas nga nito ay humigit-kumulang sa 300 na estudyante ang nabigyan ng pagkakataong makapag-enroll.

 

Sa programa ay dumating din si Governor Ramon Guico III. Aniya, “Education is a great equalizer. Walang mayaman, walang mahirap. If you use it right and properly, you will definitely make it in life.” Kanya ring ibinahagi ang kanyang karanasan bilang founder ng ikatlong community college sa Pangasinan sa kanyang bayan ng Binalonan na kilala ngayon bilang University of Eastern Pangasinan. Kanyang inilahad na hindi madali ang pagpoproseso ng mga requirements sa pagpapatayo ng eskwelahan gaya ng pinagdaanan ngayon ng BPC. Ipinangako rin nito ang buong suporta sa proyekto dahil aniya ay isa ito sa kanyang mga adbokasiya: ang mabigyan ng maayos na edukasyon ang bawat mamamayan ng Pangasinan.

“This is a game changer project. A lasting project,” pagdidiin niya.

 

Sa mensahe naman ni Vice-Mayor Ian Camille C. Sabangan, kanyang binigyang tuon ang kahalagahan ng edukasyon at ang patuloy na pagsuporta nito sa alkalde para sa pagsulong ng “Edukasyon para sa Lahat.”

 

Naroon sa programa sina TESDA Region I Director, Dr. Vincent Atienza-Cifra, at representante ni Dr. Danilo Bose OIC-Regional Director na si CHED Region I Chief Education Program Specialist, Engr. Reyen Sabate, na pawang nagpabatid ng kanilang pagkamangha sa mga miyembrong bumubuo sa BPC dahil sa kanilang maagap na pagpoproseso ng mga dokumento at iba pang requirements upang pormal na mabuksan na ang eskwelahan.

Kabilang rin sa mga dumalo ang dalawang Board Member ng District III na sina BM Vici Ventanilla at BM, Dr. Sheila Baniqued, ang buong puwersa ng Sangguniang Bayan, mga head ng bawat LGU department at unit sa pangunguna ni Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, head ng national government line agencies (PNP, BFP, DILG, atbp.), PSU-Bayambang officials, DepEd Bayambang I at II officials at principals, at siyempre ang lahat ng bumubuo sa BPC kabilang na ang College Dean na si Dr. Lita Saygo, at faculty members at Board of Trustees nito.

 

Dumalo rin sa programa ang mga unang enrollees ng BPC kung saan mababanaag sa kanilang mga mukha ang ngiti ng pag-asang dulot ng bagong simula.

 

[smartslider3 slider=2347]