Patuloy pa ring ipinaglalaban ang karapatan ng mga Bayambangueño sa dating Bayambang Central School. Sa pinakabagong development sa kaso, kinumpirma ng Office of the Ombudsman na naaayon sa batas ang pagsampa ng kasong GRAFT AND CORRUPTION at PERJURY kay ex-Mayor Ricardo Camacho at Willy Chua, ang sinasabing nakabili ng paaralan.
Base sa ruling ng Office of the Ombudsman na inilabas noong ika-27 ng Hulyo, 2022, “…this Office finds probable cause to indict RICARDO M. CAMACHO and WILLIE L. CHUA, acting in conspiracy with one another, for Violation of Sections 3(e) and (g) of R.A. 3019. They are likewise indicted for one (1) count each of perjury.”
Ang Section 3(e) ng R.A. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay tumutukoy sa pagbibigay ng isang opisyal ng gobyerno ng pabor sa isang pribadong grupo o indibidwal na naging dahilan ng pagkapinsala ng anumang organisasyon, kabilang na ang gobyerno. Ang Section 3(g) naman ay tumutukoy sa pagpasok sa isang kontrata o transaksyon para sa gobyerno na nakakasama rito. Ang nangyaring transaksyon sa pagbenta ng Bayambang Central School ay hindi dumaan sa tamang proseso at lubos na ikinatalo ng LGU at ng bawat mamamayan ng Bayambang. Ang Central ay isang mahalagang parte ng kasaysayan ng bayan dahil doon nagtapos ang libu-libong Bayambangueño.
Samantala, binigyan naman ng penalty si dating Provincial Legal Officer, Geraldine U. Baniqued, sa halaga ng kanyang tatlong (3) buwang sahod dahil sa simple neglect of duty matapos mapatunayan ang kanyang kapabayaan sa kasong ito.
Hindi tumitigil ang Lokal na Pamahalaan ng Bayambang sa pagbawi sa Bayambang Central School dahil ang paaralang ito ay pagmamay-ari ng bawat Bayambangueño, at hindi ng iisang tao lamang.