Pantol-to-San Gabriel 2nd FMR, Sisimulan Na!

Pantol-to-San Gabriel 2nd FMR, Sisimulan Na!

 

Pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao at First Gentleman, Dr. Cezar Quiambao, ang symbolic groundbreaking para sa Pantol to San Gabriel 2nd Farm-to-Market Road (FMR) sa isang seremonya na ginanap sa San Gabriel 2nd Elementary School Covered Court nitong ika-4 ng Hulyo, 2022, kasama sina Vice Mayor Ian Camille C. Sabangan, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at mga representante mula sa Department of Agriculture.

 

Ang FMR with bridge na ito na magdudugtong sa Brgy. Pantol ay magpapaiksi ng biyahe mula sa Poblacion area ng Bayambang hanggang sa Brgy. Pantol mula isang oras hanggang sa 15 minuto na lamang. Kapag nagawa ito, hindi na kailangang dumaan sa bayan ng Alcala at Santo Tomas sa pagpunta sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) na magpapadali ng pagbiyahe ng mga produkto mula sa Bayambang patungong ibang lalawigan.

 

Ayon kay Mayor Quiambao, “Ilang taon po itong trinabaho ng aking asawa at ng buong lokal na pamahalaan, at napakamasusing proseso ang pinagdaanan para makuha natin ang P126-million na budget mula sa World Bank at Department of Agriculture.”

 

Paliwanag ni Bayambang Poverty Reduction Action Team Chairperson at Bayambang Polytechnic College President, Dr. Rafael L. Saygo, hindi utang ang gagamitin dito, kundi isang grant mula sa World Bank. Sampung porsyento (10%) ang manggagaling sa lokal na pamahalaan, 10% rin ang mula sa Philippine Rural Development Authority sa ilalim ng DA, at ang 80% o halagang P126.478-million ang magmumula sa grant ng World Bank.

 

Kuwento naman ng PRDP project proponent na si Dr. Quiambao, ang proyektong ito ay “six years in the making” dahil ito ay kanyang ipinangako noong taong 2016 pa lamang. Nagpasalamat siya sa Special Chairman of the Bids and Awards Committee, Mr. Ricky Bulalakaw, sa Engineering Office, Assessor’s Office, at Municipal Planning and Development Office. Dagdag pa niya, mayroong tatlong itinuro ang proyekto sa mga nagtrabaho upang makuha ang grant para sa proyekto: patience, perseverance, at transparency.

“Napakalinis ng proyektong ito; sa katunayan nakatanggap tayo ng isang award from the DA – the Most Number of Bidders Award,” ayon kay Dr. Quiambao. Sa 17 bidders para sa proyekto ay nagwagi ang Christian Ian Construction Corporation.

 

Sa kanya namang mensahe, sinabi ni National Project Coordination Office Alternate I-BUILD head, Engr. Roy M. Abaya, “Pinapangarap natin dito na matulungan ang ating mga magsasaka na talagang mahirap ang kabuhayan.” Aniya, mababawasan ang kanilang gastusin sa pag-angkat ng kanilang mga produkto, ang kanilang input and output cost, at ang transport cost na malaki ang maitutulong sa mga magsasaka.”

 

Dinaluhan ang programa ni Landbank San Carlos branch head, Ms. Menchie Mencias, mga department heads at empleyado ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Municipal Administrator, Atty. Rajini Sagarino-Vidad, mga Punong Barangay, mga guro at opisyal ng San Gabriel 2nd Elementary School, at mga residente ng barangay.

 

[smartslider3 slider=2206]