KSB Team, Bumisita sa San Gabriel 2nd
Serbisyong may tatak “Total Quality Service” — iyan ang tinanggap ng mga residente ng Barangay San Gabriel 2nd, Paragos at Iton nang sila ay bisitahin, pagsilbihan at konsultahin ng buong team ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 5 sa San Gabriel 2nd Covered Court noong March 4.
“Maraming salamat sa well-organized na programang ito. Tunay na nagbibigay ito ng welfare sa bawat tao sa Bayambang,” ani Barangay Kagawad Imelda Gabriel. Kasabay nito ay ang mainit na pagtanggap ni Punong Barangay Gildo Madroño at ng mga kabarangay sa lahat ng empleyado ng Munisipyo.
Pambungad ni Sangguniang Bayan Committee Chairman on Health, Councilor Levinson Nessus Uy, “Lahat ay makatatamasa ng serbisyong tapat at may kalinga.
Ang tunay na serbisyo publiko ay walang pinipiling oras o araw.”
Kaya naman bilang pagtupad sa lahat ng ipinangako ni Municipal Mayor Cezar Quiambao kasama ang buong Team Quiambao-Sabangan, dinadala mismo sa bawat barangay ang iba’t ibang serbisyo ng Munisipyo katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng PNP at BFP at mga pribadong organisasyon na tumutulong dito gaya ng Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. (KKSBFI).
“Sayan panaon, maliket kami ya ipasabid sikayo ya walay P13.5M ya budget parad medikal tayo!” Ito naman ang ipinamalita ni Vice-Mayor Raul Sabangan sa lahat.
Kaugnay nito ay ipinaalala sa lahat na ang mga pondong ginagasta sa bawat proyektong tulad ng KSB ay mula sa buwis ng bawat Bayambangueño na sumusunod sa batas ukol sa pagbabayad nito gaya ng amilyar o buwis sa bahay at lupa. Kaya naman patuloy ring hinihikayat ang bawat isa na magbayad ng kani-kanilang buwis para na rin sa sariling kapakanan lalo na sa oras ng sakuna o anumang trahedya na kinakailangan ng agarang solusyon o tulong mula sa gobyerno.
Nagpaabot din ng mensahe sina Mayor Quiambao kasama ang maybahay na si Mayora Niña Jose-Quiambao para sa lahat ng dumalo kung saan kanilang ipinahayag ang iba pang mga proyektong nakahanay para sa mga susunod pang taon na magiging daan tungo sa pagsulong ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan.
Naroon rin sa programa sina Coun. Philip Dumalanta, Coun. Amory Junio, Coun. Martin Terrado II, Coun. Mylvin Junio, Coun. Gerry Flores, at dating Vice-Mayor Jose ‘Boy’ Ramos kasama si KKSBFI COO Romyl Junio.
Ang programang ito ay nagpapakita na kalakip ng bawat serbisyo ay ang pagmamahal at pagpapahalaga sa bawat Bayambangueño ng lahat ng pamunuan at empleyado ng Munisipyo.
[smartslider3 slider=2027]