“Maganda ito kasi yung mahihirap na walang pampacheck-up, hindi na mamamasahe para pumunta sa bayan.”
Iyan ay ayon kay Chris Tyler Chico ng Buenlag 1st, at isa lamang ito sa mga karaniwang feedback na natatanggap ng Munisipyo tuwing mayroong Komprehensibong Serbisyo sa Bayan sa iba’t-ibang barangay.
At noong ika-25 ng Nobyembre, ang pangalawa sa panghuling Komprehensibong Serbisyo ay dinala sa Buenlag Elementary School sa Brgy. Buenlag 1st upang pagsilbihan ang mga sumusunod na barangay sa District 8: Buenlag 1st at 2nd, Bacnono, Ataynan, at Mangayao.
Gaya nang inaasahan, pinangunahan ni Mayor Cezar T. Quiambaoang delegasyon mula sa Munisipyo, kasama sina Vice-Mayor Raul R. Sabangan, Councilors Martin Terrado II, Amory Junio, Joseph Vincent Ramos, Mylvin ‘Boying’ Junio, at Philip Dumalanta, at OIC Municipal Administrator Atty. Raymundo Bautista Jr. Naroon din ang Chairman at Adviser ng proyekto na si Local Civil Registrar Ismael Malicdem Jr. at si Local Economic Investment Point Officer na si former Councilor Levin Uy, Municipal Health Officer Dr. Paz Vallo, Consultant on Good Governance Dr. Nicolas Miguel, at iba pang mga opisyales kabilang na ang mga iba’t-ibang department heads tulad ni Senior Tourism Officer Rafael Saygo na siyang nagsilbing emcee.
Pinangunahan ni Buenlag 1st Punong Barangay (PB) Rufo Junio at Mangayao PB Romeo Junio ang pagwelcome sa mga taga Munisipyo, pati na rin si Buenlag Elementary School Principal Sonny Claveria.
Sa kanyang pambungad na talumpati, sinariwa ni Vice-Mayor Sabangan ang kuwento kung paano nabuo ang proyekto, at inalala ang isang pagkakataong kinalabit siya ng isang lola sabay sabing, “Vice, pakisabi kay Mayor salamat dahil sa libreng pustiso ko. Ngayon, nakakangiti na ako.”
Tulad ng dati nang nakagawian, matiyagang iniisa-isa ni Mayor Quiambao ang mga latest accomplishments ng kanyang administrasyon upang ipabatid sa mga taga-District 8 ang mga nangyayaring maganda sa munisipalidad na maaaring hindi pa nila narinig o kanilang nalaman lamang sa iba. Sa Komprehensibo, ang punong alkalde mismo ang nagrereport sa taong-bayan, lalung-lalo na ang ginagawa nila upang isulong ang kanyang Rebolusyon Laban sa Kahirapan na naglalayong bawasan ang 4Ps members sa Bayambang ng 10% kada taon hanggang sa marating ang target na 0% 4Ps by 2028.
“Nalulungkot ako na 30 years ago, ang pinakamahirap sa ASEAN ay ang Laos, Cambodia at Vietnam, ngunit ngayon ay Pilipinas na,” sabi niya. “Kaya’t sinisikap kung iahon ang ating kababayan sa kahirapan sa aking munting paraan upang makatulong sa problemang ito.” Isang bagong pangako ni Quiambao ay ang magbigay ng libreng pala at piko bilang ‘armas’ ng rebolusyon kontra kahirapan, bukod sa pamimigay ng libreng butong pananim at seedlings.
Inisa-isa ring muli ni Quiambao ang mga serbisyong hatid ng Komprehensibo at sinamantala na rin niya ang pagkakataon upang ipamalita na sa Enero ng susunod na taon ay magkakaroon ng isang malaking dental mission, at sa Pebrero 3-9, 2018 ay magkakaroon naman ng isang malawakang medical mission galing pa sa Amerika, kaya’t hinihikayat ang lahat ng nangangailangan ng operasyon na ngayon pa lang ay magpalista na sa RHU I at II.
Ani Regina Junio, 85 taong-gulang at isa sa 921 benepisyaryo ng edisyong ito ng Komprehensibo, “Masaya ito[ng Komprehensibo]! Sana lahat ng sinabi nila ay matutupad.”
[smartslider3 slider=263]