Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year V, Sinimulan sa Ambayat 2nd
Matapos ang taong 2021 ay muling sinimulan ng Team Quiambao-Sabangan ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 5. Sa unang Biyernes ng Pebrero ay nagtungo ang Munisipyo sa Ambayat 2nd Covered Court upang ihatid ang serbisyo ng LGU sa mga residente ng Ambayat 1st at Ambayat 2nd. Bagamat nasa Alert Level 3 ang ating bayan ay minarapat ng Lokal na Pamahalaan na ipagpatuloy ang KSB para matugunan ang mga pangangailangan ng mga Bayambangueño sa iba’t ibang barangay.
Ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan sa Bagong Normal ay magaganap tuwing Biyernes sa pangunguna ni Rural Health Physician Dr. Roland Agbuya at sa pagtutulungan ng buong LGU.
Sa pambukas na programa, naroon sina Vice-Mayor Raul Sabangan, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Konsehal Gerardo Flores, Konsehal Martin Terrado II, Konsehal Benjie de Vera, Konsehal Philip Dumalanta, Konsehal Joseph Vincent Ramos, Konsehal Levinson Nessus Uy, KKSBFI COO Romyl Junio, at dating Vice-Mayor Jose ‘Boy’ Ramos.
Binati ni Ambayat 2nd Punong Barangay Maximiano Basilio Jr. ang mga bisita at malugod silang tinanggap. Pinasalamatan rin nito si Mayor Quiambao dahil kasama ang kaniyang barangay sa pagkakaroon ng 500 sqm na solar dryer at computer set at printer.
Sabi naman ni Mayora Niña Jose Quiambao gamit ang pre-recorded video, “Ang serbisyo ng administrasyong Quiambao-Sabangan ay panghabang-panahon.
Bagamat may pandemya pa sa ating bayan, hindi kami tumitigil dahil alam namin na mas matindi ang inyong mga pangangailangan lalo na sa barangay na malalayo sa bayan. Lahat ng mga tulong mula sa pampubliko at pribadong sektor ay aming pinagsama-sama para makapagbigay ng mas mabilis na serbisyo para sa inyo. Ganoon ang “Total Quality Service” at pagmamahal ng administrasyong Quiambao-Sabangan.”
Dagdag ni Mayor CTQ gamit ang pre-recorded video, “Hindi kami titigil sa pagseserbisyo at pagmamahal sa bayan ng Bayambang, kaya sana samahan ninyo kami na mahalin ang ating bayan, mahalin rin natin ang kapwa Bayambangueño.”
Sa dulo ng programa, inorient ni Rural Health Physician at KSB Year 5 Chairperson, Dr. Roland Agbuya, ang lahat ukol sa mga serbisyo na pwedeng ma-avail. Isa sa highlight ng aktibidad ay ang COVID-19 vaccination para sa mga Bayambangueño mula sa dalawang barangay na sakop ng unang bugsong ito ng KSB.
Ang KSB ay patunay lamang na kahit saan mang kasulok-sulukan sa Bayambang ay binibigyang pansin ng LGU-Bayambang sa ilalim ng liderato ng administrasyong Quiambao-Sabangan.
[smartslider3 slider=1984]
[smartslider3 slider=1984]