Limang opisyal galing Malolos City, Bulacan ang bumisita sa Munisipyo ng Bayambang upang makipag-usap sa mga lokal na opisyales tungkol sa planong Byaheng Tirad Pass 2017 at sisterhood agreement sa pagitan ng siyudad ng Malolos at bayan ng Bayambang.
Ang Malolos ang itinuturing na unang naging kabisera ng Pilipinas, at ang Bayambang naman ay ang panglima — at balak lubusang pagyamanin ng dalawa ang kanilang ugnayan base sa makasaysayang koneksyong ito. Ayon sa kasaysayan, ang pangalawang naging kabisera ay ang San Isidro, Nueva Ecija, na sinundan ng pangatlo, Bamban, Tarlac at ng pang-apat, Tarlac, Tarlac.
Kabilang sa mga dumating ay sina City Councilor Enrico Capule, ang Pangulo ng Bulacan Salinlahi Isagani B. Giron at ang maybahay nito, Head Tourism Officer Arman Sta. Ana na dati nang naging panauhing pandangal noong nakaraang piyesta ng bayan, at Tourism Officer Marichel Santos.
Ang delegasyon ay masayang sinalubong nina Vice-Mayor Raul R. Sabangan, Councilors Joseph Vincent Ramos, Philip Dumalanta, Martin Terrado II, at Amory Junio, Association of Barangay Councils President Rogelio Dumalanta, ex-Councilor Levin N. Uy, OIC Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr., Senior Tourism Officer Rafael Saygo, Museum Head Gloria de Vera, at iba pang opisyal ng bayan.
[smartslider3 slider=250]
Sa pagpupulong na ginanap sa Conference Room ng Munisipyo, inanunsyo ni Vice-Mayor Sabangan na tapos na ring mabalangkas ang Sangguniang Bayan resolution na nagpapatibay sa sisterhood na ugnayan ng Malolos at Bayambang na gaya ng nauna nang binalangkas ng Malolos. Pag-alaala ni Giron, “Unang nakipag-ugnayan ang Malolos sa Bayambang sa adhikaing ito noong 1998 sa panahon ni Mayor Leocadio de Vera, 18 taon na ang nakalilipas.”
Naging mainit ang diskusyon sa kung papaano pa pasisidhiin ang ugnayan ng dalawang bayan di lang sa turismo, kasaysayan at kultura, kundi pati na rin sa palitan ng dagdag kaalaman sa livelihood at disaster preparedness.
Ang mga espesyal na panauhin ay inilibot sa lugar at inanyayahan sa pananghalian sa Niñas Café sa Saint Vincent Village.