Nag-organisa ng seminar ang Pantawid Pamilya-Bayambang Municipal Operations Office, na siyang opisinang nakatutok sa Sustainable Livelihood Program ng DSWD, noong ika-10 ng Agosto sa Events Center upang magbigay kaalaman sa mga miyembro ng 4Ps ukol sa cooperative pre-registration.
Inimbita sina Cooperative Development Specialist Edilberto G. Unson at Sheryl Lou M. Fabia na mula sa regional office ng Cooperative Development Authority (CDA). Ipinaliwanag nina Unson at Fabia ang mga dapat malaman tungkol sa mga kooperatiba, tulad ng kung ano ang kooperatiba at layunin nito at ang proseso ng pag set-up, kabilang na ang pag-rehistro sa CDA at Securities and Exchange Commission.
Dumalo ang mga miyembro ng Dress-Making/Doormat-Making Association, Broiler Chicken Meat Production Associations of Barangay San Gabriel and Pantol, Goat Raisers Association, at Hog Raisers Association.
Hinikayat ni Mayor Cezar T. Quiambao ang mga miyembro ng 4Ps, partikular na ang sewing association, na bumuo ng sarili nilang kooperatiba dahil ito lamang aniya ang mabilis na paraan para makapagrehistro sa DTI at BIR upang sila ay makakuha ng business permit at makapaglabas ng official receipt. Nanghikayat din siya na magtayo ng mga pagawaan sa mga cluster barangay upang makagawa ng kanilang mga produkto ng maramihan. Nangako din si Quiambao na bibigyan sila ng outlet at display center sa Royal Mall at starter kits kabilang na ang sewing machines kapag nakapagrehistro na sila ng sarili nilang kooperatiba.
Ang orientation seminar na ito ay inorganisa ng DSWD SLP Project Development Officers Arlene G. Sison, Angelica Bautista, Jeramel Jose, at Laarni Cabatbat, sa tulong ni DSWD Municipal Link Dave Doctolero. Naroon din ang bagong appoint na Municipal Cooperative Development Officer Mercedes Peralta at member nito na si Alberto Lapurga upang sumagot ng mga katanungan ukol sa pag-organisa ng kooperatiba. Si Peralta, kasama ang kanyang staff at si Fernando Quijalvo, ang naatasang mamahala sa trabaho ng mga lokal na kooperatiba.
Ang PESO Action Desk Officer na si Gerenerio Q. Rosales ay naroon din bilang consultant.