Mga magsasakang Bayambangueño, inihahandang maging agripreneurs
Nagtungo ang mga opisyal ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) sa Bayambang noong July 15, 2020 upang ipaliwanag at ipakita ang timeline ng Rice Business Innovation System (BIS) Community sa munisipalidad. Ang Bayambang ang kauna-unahan at ang isa sa dalawa lamang na bayan sa buong probinsya ng Pangasinan na napili ng PhilRice na maging benepisyaryo ng programang ito.
Kasama si Mayor Cezar T. Quiambao, Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) head Rafael L. Saygo, OIC-Municipal Agriculture Officer (MAO) Zyra Orpiano, Agricultural Modernization Consultant Maricel San Pedro, at ilan pang myembro ng sektor ng agrikultura sa bayan ay pinaliwanag nina Supervising Science Research Specialist Joel Pascual at Science Research Analyst Marijune Domingo ng PhilRice ang mga susunding paraan upang masigurong magtatagumpay at makikinabang ang mga magsasaka sa ilalim ng Rice BIS.
Ang programang ito ay napapanahong tulong para sa mga magsasakang Bayambanguen~o upang magkaroon ng seguridad sa pag-ani at pag-supply ng pagkain. Ito ay lubos na kinakailangan lalo na ngayong naapektuhan ng community quarantine na dala ng pandemic na COVID-19 ang buong bansa. Layunin ng PhilRice na turuan ang mga rice farmers na maging agri-entrepreneurs sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila kung paano madadagdagan ang ani, mababaan ang gastos sa produksyon, at bumuo ng matibay na relasyon sa iba pang mga negosyo.
Isa sa mga mahahalagang innovation sa Rice BIS ay ang kakayahan na mag-ani ng maramihan kahit sa panahon ng tag-init. Kapag nagtagumpay ang programa dito ay magkakaroon ng food security sa munisipalidad anuman ang panahon at anumang pandemya ang dumating.
Mahigit isandaan at dalawampung (120) mga magsasakang Bayambanguen~o at 105 ektarya ng lupain ang kabilang sa Rice BIS, at bawat Bayambanguen~o ay tiyak na makikinabang dito dahil masisiguro ang maramihang produksyon ng palay sa bayan.
Ang programang ito ay malaking hakbang sa ilalim ng Agricultural Modernization sector ng Bayambang Poverty Reduction Plan.
[smartslider3 slider=1102]