Singkapital 2019

Bayambang, Muling Sinariwa ang Pagiging Ika-5 Kabisera ng Bansa

Muling ipinagdiwang ang SingKapital bilang pag-alala sa pagkadeklara sa bayan ng Bayambang bilang ikalimang kabisera ng bansa noong ika-12 Nobyembre ng taong 1899.

Sa isang simple ngunit makabuluhang seremonya sa harapan ng rebulto ni Hen. Emilio Aguinaldo nagtipon ang mga opisyal at empleyado ng munisipyo, mga opisyal ng barangay, mga guro at estudyante mula sa Saint Vincent’s Catholic School of Bayambang, Inc. at iba pang paaralan, mga myembro ng Bayambang Municipal Council for Culture and the Arts (BMCCA), at iba pang mga Bayambangueño noong umaga ng ika-15 ng Nobyembre, 2019 upang saksihan ang wreath-laying ceremony sa rebulto ni Hen. Aguinaldo, na isa na ngayong national treasure dahil ito ay gawa ni National Artist Napoleon Abueva, at alalahanin ang mahalagang papel na ginampanan ng Bayambang sa kasaysayan ng Pilipinas.

Sa programa, sinariwa ni Vice Mayor Raul R. Sabangan ang kwento ng sakripisyo ni Hen. Aguinaldo na siyang nagdala sa kanya sa Bayambang. Aniya, bagamat maiksi lamang ang panahon ng pagyapak dito ni Hen. Aguinaldo ay buhay pa rin ang kabayanihan na ipinakita nito magpahanggang ngayon sa pamamagitan ng tunay na pagkakaisa ng mga Bayambangueño para sa ikabubuti ng nakararami.

Ayon kay Mayor Cezar T. Quiambao, “nandito tayo ngayon para pasalamatan ang ating Presidente Emilio Aguinaldo.” Paliwanag niya, bagamat kontrobersyal ang dating pangulo ay si Hen. Aguinaldo ang “unang Presidente na masasabi natin na nagbigay, o nagtaguyod, ng unang republika ng Pilipinas.” Dahil sa kanyang pagpunta rito kaya dito rin naisulat ni Jose Palma ang pambansang awit ng Pilinas, paalala niya. At parte ng kanyang sakripisyo ay ang pagkamatay ng kanyang anak na si Flora Victoria at ang pagkalibing ng mga labi nito sa simbahan ng Bayambang habang sila ay tumatakas sa mga mananakop.

Hiniling ni Mayor Quiambao na magtuloy-tuloy pa rin ang pagdiriwang ng SingKapital sa tulong ng sektor ng edukasyon.

Naroon naman ang Matalunggaring Dance Troupe upang magbigay ng isang nakakagiliw na palabas sa pamamagitan ng pagsasayaw ng wasiwas, isang sayaw na ipinagmamalaki sa probinsya ng Pangasinan.

Ang SingKapital, na mula sa mga salitang “singko” at “kapital,” ay taun-taong ipinagdiriwang sa pangunguna ni Supervising Tourism Operations Officer Rafael L. Saygo at ng buong Municipal Tourism and Cultural Affairs Office, at sa tulong ng BMCCA na pinamumunuan ni Prof. Januario Cuchapin at ng Philippine National Police-Bayambang na pinamumunuan ni PLtCol. Marceliano A. Desamito Jr., upang panatilihing buhay sa isip at puso ng bawat Bayambangueño ang isa sa mga pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng bayan ng Bayambang.

 

[smartslider3 slider=844]

Prev post:
MADAC Symposium
Next post:
4Q NSED 2019