Children’s Rights, Isinulong sa 2019 Children’s Congress

Karapatang Pambata, Isinulong sa 2019 Children’s Congress

Namayagpag ang angking talino at galing ng mga kabataan sa pagdiriwang ng 27th National Children’s Month sa Balon Bayambang Events Center noong ika-10 ng Nobyembre sa temang “Karapatang Pambata: Patuloy na Pahalagahan at Gampanan Tungo sa Magandang Kinabukasan.”

Ang selebrasyong ito ay pinangunahan ng Municipal Social Welfare and Development Office sa pamumuno ni OIC MSWD Officer, Ms. Kimberly P. Basco, na nagpasalamat sa pagdalo ng lahat sa pagbubukas ng programa.

Sa okasyong ito, binasa ng alkalde ng bayan na si Dr. Cezar T. Quiambao ang kanyang State of the Children’s Address, na kung saan inilahad niya ang kasalukuyang sitwasyon ng mga bata sa bayan.”Naniniwala ako na kung ano ang ating ipinunla ay sa kanila rin natin aanihin” wika niya.

Nagkaroon din ng dayalogo sa pagitan ng alkalde at ng mga dumalong estudyante, at isa sa mga katanungan ay ang tungkol sa plano ng lokal na pamahalaan para sa mga kabataan. Kabilang sa mga nakahanay na plano, ayon kay Mayor Quiambao, ay ang pagpapatayo ng isang Water and Amusement Park sa Brgy. Bani at ang pagtatalaga ng isang ‘OJT’ Mayor, Vice-Mayor, etc. na kabataan upang ma-involve sila sa pamamahala ng bayan.

Tinalakay naman ni Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr. ang mga karapatang pambata na nakapaloob sa R.A. 9344, at ang mga ito ay patungkol sa kanilang survival, development, protection, at participation.

Nanguna naman si Mr. Danny N. Ventura, ang MSWDO focal person sa Child Development, sa pagpapahayag ng “Panatang Makabata,” na layuning ikintal sa isipan ng mga mamamayan ang kanilang gampanin sa pagsulong sa karapatan ng bawat bata.

Kinahapunan ay nagkaroon ng iba’t-ibang patimpalak na nilahukan ng mga mag-aaral ng lahat ng Child Development Centers (CDC) ng bayan, tulad ng “Retro Dance Contest,” kung saan nagpakita ang mga bata ng kahusayan sa sabayang pagsayaw. Itinanghal na panalo ang Cluster 6, 2nd place ang Cluster 1 , at 3rd place ang Cluster 3. Ang mga ito ay tumanggap ng papremyo na P5,000 (1st place), P3,000 (2nd place), at P2,000 (3rd place), at ang ‘di pinalad ay mayroong P500 na consolation prize.

Ang sumunod ay ang tagisan ng pag-awit, na kung saan nagpakitang gilas ang mga munting kalahok, at itinanghal na 1st place si Jesrel A. Brian ng Bacnono, 2nd place si Raeven Benedict Belle ng Amanperez, at 3rd place si James Nathan P. Abalos ng San Vicente. Ang karampatang papremyo sa mga nanalo ay P2,000 para sa 1st place, P1,500 sa 2nd place, at P1,000 sa 3rd place. Ang mga hindi pinalad ay nabigyan ng P200 na consolation prize.

Sa tagisan ng ‘Iguhit at Sabihin’ (Draw and Tell) ay umangat naman sa 1st place si April Gem C. Doro ng Ataynan, 2nd place si Jerneah Ezra D. Caballes ng Wawa, at 3rd place si Alexander Doloque ng Tococ West. Ang papremyo sa mga nanalo ay P2,000, P1,500, at P1,000. Ang mga hindi pinalad ay nabigyan ng P200 na consolation prize.

Naging hurado sa patimpalak sina Municipal Nutritionist Venus M. Bueno, Liga ng President Secretary Sergio delo Santos, Teresa S. Aris ng LGU-Rosales, Pangasinan, at Jhonny Junio ng LGU-Bautista, Pangasinan.

Sa pagdiriwang na ito ay naipamalas ang mga nagniningning na talento sa iba’t-ibang larangan ng mga munting kabataan at naipakita ang pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan sa kanila bilang susunod na henerasyon ng bayan.

 

[smartslider3 slider=836]