Talentong Tatak Bayambangueño, Ipinamalas

nina Mark Ever L. Terrado at Mechaella Joy R. La Torre

Sa ikalawang pagkakataon, muling ipinakita ng mga Bayambangueño ang kanilang natatanging talento sa isinagawang Bayambang Got Talent (BGT) na ginanap sa Prof. Amado G. Espino Sr. Multi-Purpose Gymnasium ng Pambansang Mataas na Paaralan ng Bayambang (PMPB), ika-5 ng Abril.

Nagpamalas ng kagalingan sa pagkanta at pagsayaw ang pitong kalahok na pare-parehong determinadong masungkit ang inaasam na kampeonato. Bukod dito, nakadagdag din sa kasiyahan ng mga manunuod at panauhin ang isang pagtatanghal na mula sa AVA Music Band.

eMula sa pinagsama-samang iskor ng mahuhusay at de-kalibreng mga hurado na sina G. Jeffrey de Asis (PSU college professor), G. Joseph Salopagio (SVCSBI English teacher), at G. Jordan Neri (Matalunggaring Dance Troupe choreographer), namayagpag ang 11 taong gulang na mang-aawit mula sa Barangay Malimpec na si Diovalyn Monderin matapos itanghal na kampeon at magkamit ng P10,000 at tropeyo. Hangang-hanga ang madla sa rendisyon ni Monderin ng “Pangarap Ko ay Ibigin Ka” ni Morrisette Amon.

Sinundan naman ito nina Jovan Monderin mula rin sa Barangay Malimpec (unang gantimpalang banggit) na tumanggap ng tropeo at P7,000, Carlito Malicdem ng Barangay Buayaen (ikalawang gantimpalang banggit) na tumanggap ng P5,000 at tropeo, at ng Dynamo Trio na binubuo nina Jeddah Bautista, Ariane Grace Tagama, at John Mark Paningbatan (ikatlong gantimpalang banggit) na tumanggap naman ng P3,000 at tropeo, mga mag-aaral ng PMPB at miyembro ng Saint Vincent Ferrer Parish Youth Choir.

Samantala, ang mga hindi pinalad ay nakatanggap ng P1,000 na consolation prizes.

Bukod sa kasiyahan, layunin rin ng nasabing patimpalak na maipagmalaki at maibahagi sa buong mundo ang mga talentong mayroon ang mga mamamayan ng Bayambang. (Kuha nina Michael Olalia at Evangeline Monderin Ipil)

[smartslider3 slider=533]