nina Jenard M. De Vera at Mark Ever L. Terrado
Ang maulang panahon ay hindi naging hadlang sa mga lumahok sa isinagawang Zumba Dance Fitness Party na ginanap sa Municipal Plaza, ika-3 ng Abril. Pinasiklab ang entablado ng dating aktor na si Wowie de Guzman, na ngayon ay isa nang licensed Zumba instructor (ZIN).
Sa saliw ng iba’t-ibang mga tugtugin, masiglang umindak ng sabay-sabay ang mga kalahok na galing pa sa iba’t ibang bayan gaya ng Basista, Bautista, Labrador, San Carlos City, at iba pa. Nakiyugyugan din ang mga miyembro ng kapulisan at empleyado ng LGU.
Buong suporta naman ang bigay ng butihing Alkalde ng bayan na si Dr. Cezar T. Quiambao, na nagbigay-payo sa lahat na ipagpatuloy at payabungin ang Zumba na inumpisahan ni Ex-Councilor Levin N. Uy.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad si Madam Niña Jose-Quiambao, pati na rin si Vice Mayor Raul R. Sabangan, na game na game na sumali sa mga dance routines.
Ibinahagi ni Mr. Romyl Junio, Executive Director ng Kasama Kita sa Barangay Foundation, na kailangang yumugyog paminsan-minsan upang panatilihin ang malusog na pangangatawan. Nagbigay pasasalamat rin siya kay ZIN Rizza Masiglat dahil sa dedikasyon niya para sa Zumba Bayambang.
[smartslider3 slider=532]