Dalawang taon na rin na isinasagawa ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan sa paglalayon nitong maipahatid ang mga serbisyo ng Munisipyo sa mga malalayong barangay, at sa pagkakataong ito (ika-12 ng Oktubre), nagpunta ang LGU Bayambang sa Malimpec Elementary School upang bigyang-serbisyo ang mga barangay ng Langiran, Banaban, Duera, Sapang, at Malimpec sa District 6 at 7.
Sa munting panimulang programa, binati ang lahat ni Malimpec ES Principal Judith Calaunan: “It’s heartwarming to be the recipient of this [comprehensive] service in our barangay. Minsan lang magkaroon ng ganito, kaya maraming salamat!”
Mensahe naman ni Malimpec Punong Barangay Richard Pulhin, “Maganda ang proyektong inihandog sa aming barangay, kaya sasamantalhin ko na ring magpasalamat sa tulong na ginawa sa aming barangay tulad na lang ng pagpapatayo ng aming covered court at pagpapagawa ng aming mga daan. Sa pagkakataong ito, muli kaming biniyayaan ng libreng serbisyo. Nawa’y magkaisa tayo para sa Team Quiambao-Sabangan upang tuluy-tuloy ang progreso sa bayan.”
Ayon kay Vice Mayor Raul Sabangan, nagkaroon ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan dahil nakita ng administrasyon ang pangangailangan ng mamamayan. “No walay mansasakit ed kapamilya tayo, anggapo’y kwarta tayo ya isaliw na tambal… Nalilikna mi so paniirap yo ya balang sinansakey, kanya’n wadya kami piyano tulungan mi kayo ed maliwawan bilay. Kanyan sirin mankasakey tayo piyano aya’y gagawaen mi et mantuluy-tuloy tan piyan unaliguas so baley tayo.”
Pagbibigay-diin naman ni Mayor Cezar T. Quiambao: “Ang ganitong serbisyo ay mas lalo pa naming pagagandahin at pagtitibayin habang tayo ang nakaupo.”
Matapos nito ay inilahad niya ang mga mabubuting nagawa ng kanyang administrasyon, kabilang na ang proyektong ‘Rebolusyon Laban sa Kahirapan’ na kinapapalooban ng limang sectoral goals, ang Agricultural Modernization, Economic and Infrastructure Development, Socio-Cultural Development and Protection, Environmental Protection and Disaster Resiliency, and Good Governance.
Sinambit niya na “hindi madaling makamtan ang proyektong ito, ngunit kung tayo ay magtutulungan at walang kokontra, masusugpo ang kahirapan, kaya kapit-bisig tayo sa pagtupad sa pangakong pag-unlad ng mamamayang Bayambangueño.”
Paliwanag naman ni Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. Managing Director Levin Uy, “Ang serbisyong ito ay parte ng ipinangako ng administrasyon na ‘quality service’ upang ipadama sa inyo na saan man sa Bayambang, ibibigay namin kung anong makakabuti sa nakakarami. Sana suportahan ninyo kami upang hindi maputol ang pag-asenso ng bayan.”
Sa unang pagkakataon, naroon ang Action Desk Officer on Migrant Concerns na si Gerenerio Rosales at staff nito upang magbigay-payo ukol sa mga interes ng OFWs at kanilang kapamilya.
Binigyang patunay naman ng isang residente na si Miriam de Vera, 49 anyos, na nakakatulong sa kanila ang Komprehensibong Serbisyo dahil nakakapagpakonsulta sila ng walang bayad kaya malaki ang pasasalamat nito.
Sabi naman ni Maricel Armancion, 39 anyos, napakahalaga nitong serbisyo dahil namomonitor ang kanilang pangangailangan sa barangay, “kaya malaking pasasalamat sa Team Quiambao-Sabangan dahil hindi nila pinababayaan ang mga mamamayan ng Bayambang.”
Sa kabuuan, may 851 na benepisyaryo ang edisyong ito ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan.
[smartslider3 slider=420]