Mas Pinaigting na Cultural Mapping, Nag-umpisa Na!

Mas Pinaigting na Cultural Mapping, Nag-umpisa Na!

Nag-umpisa na ang mas pinaigting at mas sistematikong pag-imbentaryo at pagkatalogo ng mga natatanging yamang kultura ng bayan ng Bayambang, sa ginanap na Culminating Activity ng 1st Bayambang Cultural Mapping Project noong Mayo 24 sa Kasama Kita sa Barangay Foundation, Brgy. Amanperez.

Naroon si Konsehal Mylvin ‘Boying’ Junio upang batiin ang lahat ng kalahok bilang kinatawan ni Mayor Cezar T. Quiambao at bilang Chairman ng Sangguniang Bayan Committee on Education, Culture and Arts. Pinasalamatan ni Councilor Junio ang mga bumubuo ng proyekto at nagpahayag ito ng patuloy na suporta ng buong SB at ng pamunuang Quiambao-Sabangan.

Matatandaang sinimulan ang proyekto noong nakaraang taon sa inisyatibo ng guro ng Bayambang National High School (BNHS) at internationally awarded film director Christopher Q. Gozum sa pakikipagtulungan sa LGU Bayambang, Center for Pangasinan Studies, at iba pang mga grupo at indibidwal.

Sa kanyang pambungad na mensahe, nasambit ng Executive Director ng Bayambang Municipal Council for Culture and the Arts, Ret. Prof. Januario M. Cuchapin, na isa ang Bayambang sa tatlo lamang na bayan sa lalawigan ng Pangasinan ang may ganitong proyekto. (Ang dalawa ay ang Lungsod ng Dagupan at Calasiao.)

Nagpasalamat siya sa suporta ng administrasyon at nagpahayag ng kanyang galak sa pagkakaroon ng ganitong aktibidad dahil aniya ang kultura ay isang kayamanan na dapat pag-ingatan upang ang mga susunod na henerasyon ay may maituturing na pamana at pagkakakilanlan ng lahi.

Naroon siyempre ang overall project coordinator na si G. Gozum, na siyang nagpaliwanag ng mga guidelines ng proyekto, at ang coordinator ng LGU na si Supervising Tourism Officer Rafael Saygo.

Ang proyekto ay naitakdang iimplementa mula Mayo 24-26 hanggang Hunyo 8-9 ng mga mag-aaral at iba pang guro ng BNHS, na siya gagalugad sa 77 barangay ng bayan upang kumalap ng mga pinakamahalagang datos at impormasyong pang-kultura.

Dahil ang Culminating Activity ay naglalayong magbigay-kaalaman at magsanay sa mga kalahok sa pagkalap at pagsaliksik ng impormasyon, naroon sina Center for Pangasinan Studies Director Perla Legaspi, at kasamahang sina Nicanor D. Germono Jr. at Joselito M. Torio, at si University of Santo Tomas instructor Rona Repancol upang magpaliwanag tungkol sa mga sumusunod: “Culture and Heritage,” “Laws on Cultural Heritage Conservation,” at “Cultural Mapping Overview.”

Kabilang sa mga tutulong sa makasaysayan at malawakang proyektong ito ay ang Municipal Library sa pamumuno ni Municipal Librarian Leonarda D. Allado, ang Museum, Culture and Arts Consultant na si Gloria D.V. Valenzuela, Public Information/Media Affairs Office sa pamumuno ni Dr. Leticia B. Ursua at Resty S. Odon, mga Punong Barangay at ang kani-kanilang Konseho. Ang iba pang Municipal Consultants at mga retired professors ng bayan ay makakasama rin bilang mga validators. Todo-suporta rin ang pamunuan ng BNHS sa pangunguna ni Principal Mary Ann J. Payomo at ng Public Schools District Supervisor ng DepEd Bayambang II na si Dr. Candra E. Penoliar.

Ayon kay G. Saygo, inaasahang magreresulta ang proyekto ito sa paglimbag ng kauna-unahang aklat tungkol sa natatanging kultura ng bayan ng Bayambang. Ang aklat na ito ay siyang isusumite ng Munisipyo sa National Commission for Culture and the Arts bilang pagtalima sa mandato nitong pangalagaan at isulong ang pamanang kultura ng lahat ng bayan sa bansa.

 

Arrow
Arrow
Slider