5-Day Seminar-Workshop para sa Formulation ng CDP-CDRA, Naging Matagumpay; Team Building Activities, Nagbalik

Sa loob ng limang araw, mula February 1 hanggang 3 sa Balon Bayambang Events Center at February 6-7 sa San Juan, La Union, nakilahok ang lahat ng department at unit heads ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang, kasama ang mga representante ng national agencies (kabilang ang Department of Education) at non-government organizations, sa isang seminar-workshop ukol sa Formulation and Mainstreaming ng Comprehensive Development Plan – Climate and Disaster Risk Assessment (CDP-CDRA) ng munisipyo.

 

Kabilang sa mga nakapaloob sa CDP-CDRA 2024-2029 ang iba’t ibang Developmental Goals ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang sa limang sektor: Social, Economic, Infrastructure, Environmental, at Institutional. Gamit ang mga datos ng bawat opisina ay napagtanto ng lahat ang mga salik na dapat isaalang-alang upang maagapan ang mga maaaring dumating na kalamidad o kaya naman ay agad na masolusyunan ang mga ito. Bumuo rin ang bawat miyembro ng mga sektor na ito ng mga planong maaaring makatulong sa mga Bayambangueño, lalo na sa mga panahon ng hindi inaasahang sakuna.

 

Pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao at Special Assistant to the Office of the Mayor, Dr. Cezar T. Quiambao, ang pag-usisa sa mga plano upang masigurong walang nakaligtaan at mas maisaayos pa ang mga ito.

 

Pagkatapos naman ng naturang workshop, game na game na sumali ang lahat sa mga inihanda ng mga facilitators na kinuha ng Human Resource Management Office bilang bahagi ng Team-Building Activity. Umabot sa mahigit anim na taon ang naging paghihintay para sa aktibidad na ito na naudlot dahil sa pandemya. Nilalayon ng Team Building Activity na pagtibayin ng ibayo ang pagsasama ng mga pinuno ng munisipyo upang mas mapabuti lalo ang paghahatid ng serbisyo publiko.