Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) si Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. Chairman at Founder, Dr. Cezar T. Quiambao, kasama sina Governor Ramon V. Guico III, Bayambang District Hospital Chief, Dr. Athena Marie C. Merrera, at Dr. Dionisio B. Yorro Jr. ng University of Santo Tomas Medical Alumni Association in America (USTMAA) ngayong araw, January 13, sa Bayambang District Hospital. Naroon din si Municipal Health Officer, Dr. Paz F. Vallo.
Ito ay ukol sa nalalapit na malakihang Surgical Mission sa Bayambang, hindi lamang para sa mga Bayambangueño kundi sa lahat ng residente ng Pangasinan, sa loob ng limang araw mula ika-23 hanggang ika-27 ng Enero sa taong kasalukuyan, kung saan magsisilbing venue ang Balon Bayambang Events Center, BDH, at St. Vincent Ferrer Prayer Park.
Nakapaloob sa naturang MOA ang magiging papel at responsibilidad ng bawat partido, kabilang na ang istriktong pagsunod sa RA 10173 o ang Data Privacy Act of 2012 para sa mga pasyenteng tatanggap ng serbisyo at ang pagdaan ng mga ito sa medical screening bago isabak sa operasyon.
Kinakailangan din ng USTMAA na masigurong ang lahat ng medical practitioners na magsasagawa ng mga operasyon ay lisensyado alinsunod sa PRC Resolution No. 2012-668.
Ang Provincial LGU naman ang nakatoka sa transportasyon ng mga naturang duktor, samantalang tututok sa meals at accommodation ang sa KKSBFI. Ang BDH naman ang magmomonitor ng post-operative patients pagkatapos ng nasabing misyon hanggang sa araw ng kanilang discharge.
Ito ay upang matiyak na magiging maayos at organisado ang aktibidad na ito dahil tinatayang aabot sa libu-libong Pangasinense ang dadalo rito at makatatanggap ng tulong.