LGU Employees, Humataw sa Cheer Dance Competition; UE Pep Squad, Nag-demo Performance

Matagumpay na naisagawa ang Cheer Dance Competition 2022 noong December 19 sa Balon Bayambang Events Center, bilang panghuling tagisan sa closing ceremony ng Sportsfest 2022 ng LGU-Bayambang. Hindi maikukubli sa bawat mukha ng mga employado ang excitement na may halong kaba lalung-lalo na ang mga cheer dancers mula sa 6 teams.

 

Ang event na ito na inorganisa ng Sports Council sa pangunguna ni Sangguniang Bayan Secretary Joel Camacho ay dinaluhan nina Mayor Niña Jose-Quiambao at Special Assistant to the Office of the Mayor, Dr. Cezar T. Quiambao. Naroon din ang mga batikang cheer dancer at coach mula sa mga prestihiyosong unibersidad sa Metro Manila bilang panauhing pandangal na sina Gibson Alegre, Jeremy Lorenzo, Amelia Francisco at Adrydeo dela Cruz. Siyempre, sila ang nagsilbing panel of judges sa naturang kompetisyon. Dumalo rin dito siyempre ang lahat ng department head at mga empleyado.

 

Sa talumpati ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, sinabi niya na maraming nadiscover na magagaling na players ang LGU sa sportsfest. Nagbigay din siya ng payo sa mga cheerdancers: “Think as though you are already the winner, so you can perform well.”

 

Bago ang kumpetisyon, nagpakitang-gilas sa special cheer dance performance ang UE Pep Squad, at ang lahat ay napahiyaw sa makapigil-hiningang stunts at exhibition ng pep squad.

Sa kompetisyon, nag-ala-UAAP cheer dancers ang mga empleyado sa liksi, pagiging energetic, sabayang galaw, at paghataw sa sayaw. May kanya-kanyang tema at paandar ang bawat koponan. Ang Team Marangal ay may temang Alladin; ang Sinaglahi ay nag-travel around the world; ang Mandirigma naman ay nagmistulang Spartans; naging isang tribo naman ang Luntian; ang Magiting (national agencies) ay may fitness na tema; at Pinoy superhero naman nag naging tema ng Masigasig.

Matapos ang mga performances, binigyan ng trophies ang mga nagwaging players sa iba’t-ibang laro gaya ng basketball, volleyball, laro ng lahi, at iba pa. Nagkaroon din ng special awards ang mga kalahok sa Cheer Dance Competition: Best Female Dancer (Jennifer de Vera), Best Male Dancer (Vergel VIllanueva), Best Stunner (Myra Flor Ferrer), at Best Team Costume (Team Mandirigma).

Nabalot ng tension ang lahat ng team nang opisyal na ianunsyo ang mga winners sa kumpetisyon. Itinanghal ang Team Sinaglahi bilang Champion sa Cheer Dance Competition, at nasungkit naman ng Team Mandirigma ang 1st runner-up, at ng Team Masigasig ang 2nd runner-up.

 

Matapos ang mabusising computation at tally ng mga lahat ng puntos, ang lahat ay nagsihiyawan at tumalon sa galak nang itinanghal ang Team Masigasig bilang overall champion. Ang buong grupo ay nag-uwi ng trophy at cash prize na P100,000. Ang overall 1st Place ay napunta sa Team Sinaglahi with trophy and P80,000 cash, at overall 2nd Placer naman ang Team Mandirigma with trophy and P60,000 cash.

Ang Sportsfest 2022 ng LGU-Bayambang ay muling nagbuklod sa lahat ng kawani ng gobyerno sa pagpapakita ng galing sa sports at pagpapamalas ng giting sa paglaban, dala ang ngiti hanggang sa dulo anuman ang napanalunan.