Kabataang Bayambangueño, Nagpasiklaban sa Talent Search

Yuki Sakamoto at Bugoy Cariño, Naging Hurado sa BYGT 2.0; Disenyo ng Gagawing Youth Hub, Ipinasilip

 

Sa ikalawang pagkakataon, nag-organisa ang Local Youth Development Office (LYDO), kasama ng Sangguniang Kabataan (SK), ng Bayambang Youth Got Talent, kung saan nagningning ang iba’t-ibang talento ng kabataang Bayambangueño. Ito ay pinangunahan ni LYD Officer Johnson Abalos at SK Federation President Gabriel Tristan Fernandez.

 

Tatlong nagpipitagang mga hurado ang humusga sa mga talentong ipinakita ng mga kalahok: Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, Showtime ‘Bida Man,’ boy band member, artist, at singer na si Yuki Sakamoto, at ang model, live streamer, G channel player, at former “Goin’ Bulilit” star, Bugoy Cariño.

 

Naroon din ang mga konsehal na sina Coun. Martin Terrado II, Coun. Levinson Nessus Uy, Coun. Amory Junio, Coun. Mylvin Junio, Coun. Philip Dumalanta, Coun. Gerry Flores, at ABC President Rodelito Bautista.

 

Sa mensahe ni Mayora Niña Jose-Quiambao, na nirepresenta ni Bayambang Polytechnic College President, Dr. Rafael Saygo, “This program is a proof that here, we inspire the young ones to hone and show their talents. The LGU will always provide an avenue to show what you’ve got.” Kasabay nito ay ipinasilip niya ang disensyo ng Youth Hub na ipapatayo sa Pavilion II ng St. Vincent Ferrer Prayer Park para sa mga Bayambangueño na magkakaroon ng swimming pool, basketball court, at marami pang iba upang malayo ang mga kabataang Bayambangueño sa anumang masamang gawain at bisyo.

 

Sa pitong mga kalahok, itinanghal na grand winner ang Lil Crew, na nanalo ng P15,000 para sa kanilang nakamkamanghang dance production number. First runner-up naman si Christian Bench Bucayu na nanalo ng P9,000 para sa kanyang nakakabilib na rendisyon ng kantang “You”, habang si Jean Clarence Marcelo naman ang 2nd runner-up na nanalo ng P7,000 para sa kanyang rap number ukol sa kakababaihan, sa saliw ng kantang “Tatsulok” na nilapatan niya ng orihinal na letra. Si Ms. Lovely Ann Gupta ang 3rd runner-up na nanalo ng P5,000 para sa kanyang nakakagiliw na performance ng sariling komposisyon sa saliw ng gitara. Makakatanggap naman ng consolation prize na tig-P3,000 sina Mr. John Louie Alvarez na nagperform ng “The Prayer” sa nakakaaliw na doble-kara style, Emil Malteo Miña na nagperform ng kamangha-manghang magic tricks, at Erica Frias na bumirit ng “How Could You Say You Love Me.”

 

[smartslider3 slider=2338]