Mga Chikiting, Nagpatalinuhan sa A-1 Child Quiz Bee

48th National Nutrition Month | Mga Chikiting, Nagpatalinuhan sa Nutrition A-1 Child Quiz Bee

 

Bago matapos ang pagdiriwang ng pang-48 taong Buwan ng Nutrisyon noong Hulyo 26 sa Events Center, ginanap ang bagong pakulo ng Municipal Nutrition Action Office (MNAO) na Nutrition A-1 Child Quiz Bee, isang patimpalak para sa mga chikiting na mula sa Child Development Centers ng iba’t-ibang barangay sa Bayambang.

 

Sa kauna-unahang patimpalak na ito, kasiya-siyang panoorin ang mga batang aktibo na nagpakitang-gilas sa pamamagitan ng kani-kanilang kaalaman sa pagsagot ng mga tanong ukol sa tamang nutrisyon.

 

Sa isang maiksing pambukas na programa, nagpahayag ng kagalakan si Municipal Nutrition Action Officer Venus M. Bueno, dahil sa limang taon na na idinaraos ang aktibidad na ito. Aniya, “Bagamat hindi ito gaya ng nakagawian na A1 Child na tagisan ng iba’t-ibang talento, binigyan namin ngayon ng kakaibang anggulo na patalasan ng kaalaman sa mga masustansiyang pagkain.”

 

Mensahe naman ni Vice-Mayor IC Sabangan, “Lagi ninyong tatandaan na, ngayon pa lang, kami ni Mayora Niña ay proud na proud sa inyo. Para naman sa magulang at gurong nandito, ang lokal na pamahalaan ay laging nakasuporta para sa edukasyon ng inyong mga anak.”

 

“Sana ang ating paiiralin sa kompetisyon na ito ay ang sportsmanship, dahil nandito kayo para makisaya na suportahan ang kakayahan ng inyong mga anak,” dagdag niya.

 

Sa walong kalahok, tatlo lamang ang napiling magwagi, at itinanghal na 1st Place si Theseus Yohan Primero mula sa Cluster 1, 1st runner-up si Vander Calix Bacani ng Cluster 4, at 2nd runner-up si Jerald Verzola mula sa Cluster 5. Si Primero ay nanalo ng P5,000 cash prize, at P3,000 naman para kay Bacani, at P2,000 para kay Verzola. May P1,000 consolation prize ang mga hindi pinalad na magwagi.

 

Nakatakdang iaward ang mga premyo sa gaganapin na culminating activity sa July 29 sa Balon Bayambang Events Center.

 

Ang aktibidad na ito ay inisyatibo ng Municipal Nutrition Committee upang tumatak sa isipan at isapuso ng mga batang Bayambangueño ang halaga ng sapat na nutrisyon sa pagkakaroon ng malakas na pangangatawan at matalas na isipan.

 

[smartslider3 slider=2270]