Mayor Cezar at Mayora Niña, Nanguna sa Kick-off Ceremony para sa QMS
Nanguna sina Mayor Cezar Quiambao at Mayora Niña Jose-Quiambao sa isang kick-off Ceremony para sa implementasyon ng Quality Management System o QMS sa LGU-Bayambang na ginanap noong March 14 sa Balon Bayambang Events Center.
Kasama ang mga Department at Unit heads, pinangunahan ng First Couple ng Bayambang ang ceremonial signing ng Pledge of Commitment at sabayang bigkas ng official quality policy ng LGU, na siyang nagpapatibay ng dedikasyon at pagsasapuso ng lahat ng kawani ng kani-kanilang trabaho upang matiyak na ang hakbang na ito ay magreresulta ng inaasam na ISO Certification ng munisipalidad.
“Gumagastos tayo ng mahal para sa de kalibreng consultants para sa ating QMS upang kahit na sino ang maging susunod na pinuno ay siguradong magiging tuluy-tuloy ang de kalidad na serbisyo publiko sa Bayambang,” pahayag ni Mayor Quiambao.
Bilang parte ng kick-off ceremony, nagbigay naman ng orientation si ICT Officer Ricky Bulalakaw upang mas malinawan ang lahat kung bakit kailangan at kung paano makakamit ang ISO Certification 9001:2015 para sa Quality Management System.
Dito ay nakinig na mabuti ang lahat ng LGU Department at Unit Heads kasama ang dalawa pang representante kada opisina. Ipinarating sa kanila na ang pagkakaroon ng ISO certification ay isang pribileyo upang ang bawat serbisyo publikong iniaalay ng bawat empleyado ay tunay may na tatak “Total Quality Service.” Ito rin ay isang karangalan para sa bayan ng Bayambang, dahil ang ISO certification ay isa sa mga nakakapag-attract ng mga imbestor upang mamuhunan.
Ayon kay G. Bulalakaw, “Importante ang QMS dahil sa pamamagitan nito ay mas magkakaroon pa ng improvements ang mga empleyado at mas magiging produktibo ang bawat opisina.”
Ang kooperasyon at pagkakaisa ng bawat isa ang pinakaimportanteng daan tungo sa matagumpay na proseso sa pagkamit nito, pagdidiin niya.
[smartslider3 slider=2046]