Dalawang Pampublikong Pagdinig Kaugnay sa Edukasyon para sa Mahihirap
Sa pangunguna nina SB Committee Chairperson on Education, Councilor Mylvin Junio at Committee Chairperson on Rules, Laws and Regulations, Councilor Amory Junio, nagkaroon ng Public Hearing ang Sangguniang Bayan ukol sa dalawang panukalang ordinansa na may titulong “An Ordinance Establishing the Bayambang Technical and Vocational (Tech-Voc) College in the Municipality of Bayambang, Pangasinan, Defining Its Mandate and for Other Purposes” at “An Ordinance Establishing a Comprehensive Scholarship and Educational Assistance Program in the Municipality of Bayambang, and Providing Funds Thereof,” sa Balon Bayambang Events Center noong February 28.
Ito ay upang makapagbukas ng isang kolehiyo na kayang magbigay ng de-kalidad na kurso sa mababang matrikula ng maiksing panahon para sa mga Bayambangueñong hindi na makapasok sa eskwela dahil sa estado da buhay. Mayroon ding scholarship program na ibibigay sa mga kabataang makakapasa sa kwalipikasyon para rito.
Ayon kay BPRAT Head, Dr. Rafael Saygo, “Ang pag-aaral ay hindi pribilehiyo kundi ay isang karapatan, kung kaya’t naisip ni Mayor ang pagpapatayo nito, at ginagawa ang lahat ng paraan kasama ang buong lokal na pamahalaan upang makapag-aral ang lahat ng Bayambangueño bilang parte ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan,” dagdag pa nito. Layunin din ng tech-voc college na tugunan ang matinding pangangailangan ng Bayambang sa mga graduates ng agrikultura at mga teknikal na kurso.
Bagamat mayroon nang unibersidad ang nakatayo sa Bayambang, hindi pa rin garantisado na lahat ng kabataang Bayambangueño ay kaya nitong mapaunlakan sapagkat limitado lamang ang bilang ng mga kursong kanilang iniaalok at hindi ito ekslusibo para sa mga Bayambangueño lamang. Bagkus ay bukas ito para sa lahat ng nais makapasok dito kung kaya’t marami pa ring Bayambangueño ang napipilitang magsakripiyo at maghanap ng ibang eskwelahan sa malayong lugar.
Dahil dito, si Municipal Mayor Cezar Quiambao at ang kanyang pamilya ay agad nang nagdonate ng apat na ektaryang lupa para sa pagpapatayo ng naturang eskwelahan.
Upang masiguro ang maayos at matagumpay na pagpapatayo ng kolehiyong ito, minarapat ng SB na ipatawag lahat ng mga barangay officials, iba’t ibang lider ng mga organisasyon, at LGU heads at employees na kaugnay sa paksa upang makapagbigay ng kanilang mga kuru-kuro, payo, at rekomendasyon.
Siniguro rin ni G. Saygo na dumalo ang CHED upang makita ang ilang mga punto sa ordinansa na dapat ay nakahanay sa kanilang mga sinusunod na requirements.
Ipinahayag naman ni Local School Board Executive Director Rolando Gloria na napili na ang isang libong benepisyaryo ng financial assistance ng LSB para sa mga estudyante, salamat sa amilyar na ibinabayad ng mga mamamayan ng Bayambang. Ang pagpili ay ibinase sa GPA at katayuan sa buhay ng mga aplikante.
Ang pagdinig na inorganisa ni SB Secretary Joel Camacho ay dinaluhan din nina Councilor Martin Terrado II, Councilor Benjie de Vera, Councilor Philip Dumalanta, SK Federation President Gabriel Tristan Fernandez, at Municipal Legal Officer, Atty. Bayani Brillante Jr.
Ang proyektong ito ay magbibigay kumpiyansa sa bawat Bayambangueño na makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng magandang kinabukasan para sa ikalalago ng kanilang sarili, pamilya at bayan.
[smartslider3 slider=2018]