KSB Team, Sumabak sa Brgy. Tatarac
Upang maghatid ng de-kalidad na mga serbisyo ng munisipyo, nagtungo ang KSB Team sa Brgy. Tatarac Covered Court para sa mga residente dito kabilang ang mga taga-Brgy. Pangdel at Apalen noong ika-11 ng Pebrero.
Simula pa lamang ng taon ay agad nang isinagawa ang programa para mailapit sa mga Bayambangueño ang kanilang mga pangangailangan dahil hindi pa rin madali ang transportasyon para sa bawat isa lalo na sa mga kapus-palad.
Isang mainit na pagsalubong ang ibinigay ni Punong Barangay Guillermo Gabriel sa bawat empleyado ng LGU.
Kanya ring inala-ala ang panahong unang isinagawa ang KSB sa kanilang lugar na ayon sa kanya ay kung hindi dahil kay Mayor Cezar Quiambao ay walang ganitong programa ngayon. “Maraming nagtatanong kung bakit napakaganda ng ating covered court at ang palagi ko lamang sagot ay, ‘Syempre ito ay dahil sa mapagmahal at mapagbigay na mayor natin dito sa Bayambang,’ at kung sasabihin ko ang lahat ng proyekto ng Team Quiambao-Sabangan ay napakarami na nito kaya’t napakapalad nating mga tagarito.”
Bitbit ang pangunahing mensahe ay ipinangako ni Councilor Levinson Uy na patuloy na mag-iikot ang team upang maibigay ang nararapat na serbisyo para sa lahat lalo na sa pangkalusugan.
Naroon din sina Coun. Martin Terrado II, Coun. Joseph Vincent Ramos, Coun. Amory Junio, Coun. Philip Dumalanta at Coun. Gerry Flores. Kasama rin si KKSBFI Chief Operations Officer Romyl Junio, na ipinagbigay-alam din sa madla ang iba’t ibang programang isinasagawa ng Foundation.
Ayon kay Vice-Mayor Raul Sabangan, “Hindi magiging maliwanag at maunlad ang ating bayan kung hindi tayo magkakaisa. Kaya’t ‘wag nang baguhin ang naumpisahan upang ang paglipad ng lahat ay tuluy-tuloy lang.”
Kanya rin ipinamalita ang pagpapatayo ng LGU ng isang Community College para sa mga kabataang Bayambangueño.
Isang paala-ala naman ang mensahe ng mag-asawang Mayor Cezar Quiambao at Mayora Niña Jose-Quiambao na “Mahalin natin ang ating pamilya at mahalin natin ang ating bayan na parang pamilya.”
“Kaming mag-asawa at ang aming buong pamilya ay hindi titigil o magsasawang sumuporta at magmahal sa bayan ng Bayambang,” anila.
Ang mga magagandang komento mula sa mga barangay officials at taumbayan ay tanda lamang na nakikita at nararamdaman ng bawa’t isa ang serbisyong tapat at totoo ng buong Munisipyo na bunga ng tunay na pagmamalasakit ng mga empleyado at liderato nito.
Isa rin sa mga pinakamahalagang rason ng pagpapatuloy ng programang ito, na sa taong 2022 ay nasa pangangalaga ni Rural Health Physician, Dr. Roland Agbuya, ay ang pagdadala ng vaccination program sa mga barangay na may iilang porsyento pa lamang ang nakatanggap ng bakuna kontra COVID-19 upang tuluyan nang masawata ang pandemya.