Orientation on 2019 nCoV

Para sa Kahandaan ng Bayan: Oryentasyon sa 2019 Novel Coronavirus, Ginanap

 

Para sa kahandaan ng bayan ng Bayambang, nagkaroon ng oryentasyon sa 2019 Novel Coronavirus na ngayon ay opisyal nang pinangalanan ng World Health Organization na COVID-19, at ito ay ginanap sa Sangguniang Bayan Session Hall noong ika-13 ng Pebrero, 2020. Ito ay dinaluhan ng mga kapitan ng iba’t ibang barangay.

 

Tinalakay ni Municipal Health Officer, Dra. Paz F. Vallo, kung ano ang COVID-19, kung paano ito maiiwasan, at kung paano ito makakahawa sa isang tao.

 

Isinalaysay naman ni MDRRMO Head Genevieve U. Benebe ang epekto ng COVID-19 sa iba’t-ibang aspeto ng pamumuhay ng bawat mamamayan, infected man ito o hindi ng bagong nakakahawang virus na wala pang gamot o bakuna.

 

Pagkatapos ay idinetalye ni Municipal Administrator, Atty. Raymundo B. Bautista Jr., ang pagbalangkas ng Executive Order No. 9, series of 2020, upang bumuo ng Task Force for Severe Contagious Human Diseases sa pangunguna ni Mayor Cezar T. Quiambao, kasama sina Atty. Bautista, Dra. Vallo, Municipal Health Physician Dr. Adrienne A. Estrada, Dr. Nicolas O. Miguel, Dr. Henry Fernandez, OIC PNP Chief PLtCol. Marceliano A. Desamito Jr., POSO Acting OIC Catherine D. Piscal, Gng. Benebe, RHU I Barangay Health Worker (BHW) President Laura M. Ocfemia, at RHU II BHW President Helen F. Diaz.

 

Binuo ang Task Force na ito bilang paghahanda upang makontrol at maiwasan ang paglaganap ng nakahahawang sakit sa bayan ng Bayambang. Nakapaloob din dito ang pagkakaroon ng bawat barangay ng Barangay Health Emergency Response Team o BHERT na binubuo ng mga Brgy. Tanod at BHW.

 

Payo ni Municipal Administrator Bautista sa lahat ng dumalo, “Dapat ikabahala ang COVID-19, pero hindi sa puntong magpanic o maalarma. Ibayong pag-iingat lang po ang kailangan.”

 

[smartslider3 slider=946]