Children’s Festival 2019: Isang Maningning na Pagtitipon
“Children are about innocence and playfulness, about joy and freedom.”
Ito ang kaisipang nangibabaw sa pagdaraos ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng 2019 Children’s Festival na laan para sa mga kabataang edad 3 hanggang 4 na pawang pumapasok sa iba’t-ibang Child Development Centers ng Bayambang. Ang pagdiriwang na ito ay ginanap noong ika-12 ng Disyembre, at inumpisahan ito ng isang parada ng mga naggagandahang float lulan ang mga Mr. and Ms. Pre-K canditates at nagtapos sa Balon Bayambang Events Center.
Sa pagbubukas ng programa ay malugod na pinasalamatan ni OIC MSWD Officer Kimberly P. Basco, kasama si Child Day Care Worker and Focal Person on Children’s Program Marvin P. Bautista, ang mga kalahok sa selebrasyon, kabilang na ang mga magulang ng mga daycare pupils at ang Child Development Workers (CDW) ng Bayambang sa pamumuno ni CDW Federation President Estherly N. Friaz.
Tumayo bilang kinatawan ni Mayor Cezar T. Quiambao si Supervising Tourism Officer Rafael L. Saygo, na nagwikang, “Ipakita natin sa lahat na ang mga kabataang Bayambangueño ay may angking galing at talino sa performance art.”
Tunay ngang nagniningning na talento ang ipinamalas ng mga munting kabataan sa inorganisang Christmas Dance Competition. Sa desisyon ng huradong sina Sergio P. delos Santos, Francis Ice Estrellas, Rebecca Ignacio, at Alma T. Tamo ay hinirang na kampeon ang Cluster 4, unang gantimpala ang Cluster 7, na siyang nakatanggap din ng gantimpalang Best in Costume, at ikalawang gantimpala naman ang Cluster 1.
Kinahapunan ay isinunod ang Coronation Ceremony ng mga nagwaging kalahok sa search for Mr. & Ms. Pre-K 2019 na kung saan sina G. Bautista at Gng. Friaz ang nanguna sa pagputong ng korona.
Si John Andrei P. Flores mula sa Balaybuaya CDC ang hinirang na Mr. Pre-K 2019, habang si Francheska C. de Guzman naman ng Hermoza CDC ang Ms. Pre-K 2019.
[smartslider3 slider=877]