Macayocayo Man, Malapit Din
Ang huling kabanata ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) sa taong 2019 ay ginanap sa Macayocayo Elementary School sa Brgy. Macayocayo noong Nobyembre 8. Nasa dulo man ito ng bayan ay dinayo pa rin ito ng mga taga-Munisipyo upang iparating ang iba’t-ibang serbisyo publiko sa mga residente ng lugar, kabilang na ang mga taga-Beleng, Maigpa, Langiran, Tanolong-Hacienda, at Balaybuaya.
Naroon siyempre si Macayocayo Punong Barangay (PB) Mario G. Cariño at ang representante ni Macayocayo ES Principal Jaime Tamondong upang iwelcome ang mga taga-Munisipyo. “Di na tayo lumayo, tayo ang pinuntahan,” anila.
Buong pasasalamat din na nabanggit ni PB Cariño ang napipintong pagbubukas ng Rural Health Unit (RHU) IV sa kanyang barangay.
Naroon din ang PB ng Beleng na si Leopoldo Ocampo.
Nagmistulang isang townhall meeting ang naging programa matapos magsalita ang mga matataas na opisyal ng bayan na kinabibilangan nina Councilor Martin Terrado II, Councilor Philip Dumalanta, Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr., Municipal Health Officer at overall KSB organizer Dr. Paz F. Vallo, Rural Health Physician Dr. Adrienne Estrada, mga dentists na sina Dr. Dave Francis Junio at Dr. John Paul Santos, ang kinatawan ni Municipal Treasurer Luisita Danan na si Perla Papio, at iba pang department head at mga staff, at pati na rin mga miyembro ng kapulisan at Bureau of Fire Protection.
“Agkami unsawa ed panagserbisyo. Basta wadtan kayo, wadya kami met ya untulong ed sikayo,” pambungad ni Councilor Terrado, na siyang nagsalita bilang kinatawan ni Mayor Cezar T. Quimbao.
Ang masayahing si Senior Supervising Tourism Officer Rafael L. Saygo ang nagsilbing host ng programa, at nagpaalalang may nakaplano ring RHU V sa Brgy. Pantol.
Sinamantala ni Atty. Bautista ang pagkakataon upang ipaliwanag ang tungkol sa African swine fever at ang programa ni Mayor Quiambao na farm mechanization, at ni Papio upang ipaliwanag naman ang tungkol sa pagbayad ng buwis, partikular na ng amilyar para sa mga real property na may P175,000 pataas na market value.
Naroon din ang President at CEO ng Kasama Kita sa Barangay Foundation ni Mayor Quiambao na si Romyl Junio, na nagsabing ang KSB ay “isang patunay na ang pangako ng administrasyong Quiambao-Sabangan ay [hindi napapako at bagkus ay nagkakatotoo] at ang mga ito ay panghabambuhay at pangmatagalan.”
“Masaya kaming bumababa sa kasuluk-sulukan ng Bayambang upang iparating sa inyo ang mga proyekto ng lokal na pamahalaan,” aniya.
Inanunsiyo rin ni Junio na nangangailangan ang PSU Bayambang ng 1,000 encoders. Magpa-screening lamang aniya ang mga interesado sa kanyang opisina sa 3F ng Royal Mall.
Naikwento rin ni Junio ang meat processing factory na kasalukuyang itinatayo sa CFC-ANCOP Village sa Brgy. Sancagulis upang mabigyan ng hanapbuhay ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya na una nang nabiyayaan ng bahay at lupa roon.
Dahil importante ang edukasyon upang mapuksa ang kahirapan, aniya, nag-anyaya rin si Junio sa mga interesado na kumuha ng libreng kurso sa SMAW o shielded metal arc welding na kadalasan ay nagkakahalaga ng P17,000 sa labas.
Sa tala ng Human Resources Management Office, mayroong 602 katao ang nagpalista at nakatanggap ng serbisyo sa araw na ito. (RSO/jmb-Municipal Information Office)
[smartslider3 slider=833]