Arenas, Dumalo sa Orientation Ukol sa TUPAD Program ng DOLE

Arenas, Dumalo sa Orientation Ukol sa TUPAD Program ng DOLE

Nagkaroon ng orientasyon ukol sa TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers program ng Department of Labor and Employment (DOLE) at pagbibigay ng uniporme sa mga benepisyaryo sa Balon Bayambang Events Center noong ika-31 ng Oktubre. Dumalo sa aktibidad si former Congresswoman Rachel ‘Baby’ Arenas, na siyang naging tulay upang maiparating sa Bayambang ang TUPAD program ng DOLE.

Sa pambukas na mensahe, nabanggit ni Vice-Mayor Raul R. Sabangan na isang oportunidad ang ganitong programa upang magbigay-hanapbuhay sa mga mamamayan ng Bayambang kahit na ito ay temporaryo lamang. Sinamantala niya ang pagkakataon upang inanunsiyo na may nangailangan ng 100 na IT encoders, at ang oportunidad na ito ay isa na namang daan aniya upang malabanan ang kahirapan sa bayan.

Paliwanag ni DOLE Field Office head Agnes B. Aguinaldo, “Layunin ng TUPAD na bigyan kayo ng trabaho sa sampung araw upang maging malinis ang inyong bawat barangay at makakatanggap kayo ng P340 kada araw o P3,400 sa kabuuan. Sa trabahong ito ay hahandugan namin kayo ng pang-isang taon na Accident Insurance, dahil kung sakali man na may di inaasahang mangyari habang kayo ay nagtrabaho, may matatanggap kayong P50,000 mula sa insurance. At kahit kayo ay matapos na, magagamit pa rin ninyo ang insurance.”

“Sana malaking tulong ang programa namin sa inyo,” aniya.

Naroon naman si Municipal PESO Manager at Bayambang Poverty Reduction Action Team Chairman, Dr. Joel T. Cayabyab, upang ipakilala ang 934 na benepisyaryo mula sa 77 barangays. “Ang pagkakaroon ng isang trabaho ay isang napakalaking tulong para sa pag-unlad ng bayan. Sana ay pagbutihin at paghusayan ninyo ang inyong mga trabaho,” habilin niya.

[smartslider3 slider=828]