Nagpa-training sa food processing para sa mga CFC-ANCOP Village beneficiaries ang Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) sa pamumuno ni Dr. Joel T. Cayabyab noong Hunyo 25, 2019 sa Balon Bayambang Events Center.
Ito ay sa pakikipatulungan ng BPRAT sa Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. (KKSBFI), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Social Welfare and Development, Rotary Club of Bayambang, at Presidential Commission for the Urban Poor.
Pagbati ni Vice-Mayor Raul Sabangan sa mga trainees: “Naglunsad si Mayor CTQ ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan dahil naramdaman niya ang paghihirap sa ating bayan. Ang mga dahilan kung bakit naghihirap ang isang tao ay ang kakulangan sa kwalipikasyon, maling pamumuno, at ang pinakuhuli, ang populasyon. Pero masusugpo natin lahat ng mga ito kung iwawasto ang pamamahala sa bayan upang sa ganoon ay matugunan ang pangangailangan sa araw-araw na pamumuhay.”
“Ang programang ito ay isang daan upang bigyan kayo ng karunungan sa paghahanap-buhay, kaya sana bigyan ito ng importansya upang pag-asenso ay mabilis na makamtan,” paliwanag niya.
Naroon din upang magbigay-inspirasyon ang Chairman ng SB Committee on Social Services, Councilor Benjamin Francisco S. de Vera: “Bagama’t tayo ay first class municipality, hindi ibig sabihin ay naka-angat na tayo sa buhay, sapagkat marami pa rin sa ating kababayan ang naghihirap. Kaya narito ang gobyernong lokal upang tugunan ang pangangailangan.”… “Sabi nga sa Bibliya, ‘Give a man a fish, and you feed him for a day. Teach a man to fish, and you feed him for a lifetime.’
Pag-uudyok naman ni KKSBFI Executive Director Romyl Junio, “Kailangan [tayo mismo ang] kumilos upang masugpo ang kahirapan, dahil limitado lamang ang tulong na maiaabot ng pamahalaan, at instrumento lamang kami upang kayo ay bigyan ng tulong.”
Naroon din ang Development Management Officer ng Presidential Commission for the Urban Poor, Ma. Elizabeth B. Avila, na nagsabing, “Kami ang tulay upang makarating ang inyong mga hinaing sa ating Presidente, at napili namin kayong tulungan dahil sa inyong magandang adhikain upang malabanan ang kahirapan.”
Sina Dovie Q. Santillan at Dr. Margie DG. Marciano mula sa TESDA-Pangasinan Training Institute ang nagsilbing mga trainor, at sila ay nagturo sa 65 trainees, kasama na ang 30 mula sa ANCOP Village, ng paggawa ng skinless longanisa, tocino, at beef tapa.
Dumating din upang magbigay-suporta sina Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr., Municipal Social Welfare and Development Officer Lerma Padagas, Consultant on Livelihood Danilo Gozum, at mga opisyal ng Rotary Club na sina Julie Fernandez at Vilma Dalope.
[smartslider3 slider=624]