Public Hearing, Isinagawa ukol sa Water Quality, Proper Sewage Treatment at Septage Management System

Isang pampublikong pagdinig na may titulong “An Ordinance Providing for the Water Quality and Proper Sewage Treatment and Septage Management System in the Municipality of Bayambang, Prescribing Penalties for Violation Thereof and for Other Purposes,” ang isinagawa sa Sangguniang Bayan Session Hall noong May 15, sa pangunguna nina Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, SB Committee Chairman on Rules, Laws and Ordinances, Coun. Amory M. Junio, Chairman on Health and Sanitation, Coun. Levinson Nessus M. Uy, at Chairman on Barangay Affairs, Coun. Rodelito F. Bautista.

 

Dito ay tinalakay ang mga maaaring gawin upang masigurong malinis at ligtas ang tubig panggamit sa bawat kabahayan ng mga Bayambangueño sa pamamagitan ng pagkakaroon ng ispesipikong disenyo ng mga septic tank. Maging sa mga business establishment ay magiging requirement na rin ito upang makakuha ng business permit nang matiyak na malinis ang tubig na kanilang ginagamit sa pagbibigay ng serbisyo sa mga customer.

 

Ayon kay Municipal Health Officer, Dra. Paz Vallo, ang pagkakaroon ng leak sa septic tank ang isa sa mga dahilan kung bakit lumalala ang bilang ng mga taong nagkakaroon ng amoebiasis at iba pang uri ng sakit na dulot ng maduming tubig kaya’t nararapat lamang itong iprayoridad.

Isa sa mga solusyon na isasagawa ng lokal na pamahalaan ay ang pagpapatayo ng Sewage Treatment Plant sa barangay Dusoc kung saan ilalagak ang mga wastewaters na masisipsip sa mga septic tank ng mga kabahayan at establisimiyento.

 

Nagbigay din ng update ang BayWad sa kanilang ipinapagawang Water Reservoir sa Barangay Bani upang matugunan ang kakulangan sa water supply sa mga matataas na barangay sa bayan.

 

Ang naturang pagdinig ay inorganisa ni SB Secretary Joel Camacho at dinaluhan nina Councilor Mylvin Junio, Councilor Martin Terrado II, Councilor Philip Dumalanta, Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, Chief Executive Assistant, Maria Carmela Concepcion Atienza Santillan, at iba pang concerned department heads.