Noong May 26, nagkaroon ng International Youth Fellowship (IYF) Leadership Camp para sa mga local student organizations at mga miyembro ng Student Supreme Council ng PSU-Bayambang Campus, at ito ay ginanap sa Balon Bayambang Events Center sa pag-oorganisa ni Local Youth Development Officer Johnson R. Abalos.
Dumalo si Vice-Mayor Ian Camille Sabangan upang magbigay ng maikling mensahe.
Nagsilbing Mind Education lecturer sa camp na ito sina Enrico Aquino, IYF Director ng Pangasinan, Vincent Baucas, IYF Director ng Baguio, at si Jasher Delos Santos, isang IYF volunteer mula naman sa Alcala.
Tinalakay ni Aquino ang ukol sa adiksyon bilang isang bagay na nagiging distrakyon sa bawat estudyante at nagdudulot ng pagkakaroon ng maling mindset.
Ipinaliwanag niya kung paano magkaroon ng magandang mindset ayon sa sitwasyon na kinahaharap ng bawat isa.
Itinuro naman ni Delos Santos ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan base sa mga aktibidad na kanyang ipinagawa. Ang kahalagahan naman ng pagkakaroon ng “mind education” ang tinalakay ni Baucas.
Nagbigay din ng maikling Korean language lesson sina Kim Dajin at Lee Eun Pyo mula sa South Korea na ikinatuwa ng lahat.
Naroon din ang Alcala Dance Team at The Righteous Star ng Alcala at South Korea na nagpaindak sa bawat estudyante na dumalo.
Ang programang ito ay lubos na nakatulong sa mga estudyante upang mas mahasa pa ang kanilang personality at leadership skills.