Bumisita ang National Nutrition Council Region I sa Munisipyo ngayong araw, ika-3 ng Mayo, upang imonitor ang Local Nutrition Early Warning System (LNEWS) ng Bayambang sa unang quarter ng 2023.
Ang monitoring activity ng ito ay isa sa mga pangunahing programa ng NNC na taun-taon na isinasagawa sa mga munisipalidad, subalit hindi ito regular na naipatupad sa nagdaang taon dahil sa pandemya.
Pinangunahan naman ni Municipal Nutrition Action Officer Venus Bueno kasama ng kanyang mga staff ang paglatag ng mga ginawang hakbangin ng Municipal Nutrition Council sa pagsiguro ng maayos na nutrisyon ng bawat kabataang Bayambangueño.
Pinakinggan ng mga NNC R1 validator na sina Development Officer II Angel Soriano at Administrative Assistant I Sarah C. Bangaoil ang presentasyon ng mga naging accomplishments ng MNC, at kanilang tinignan ang mga problema at katayuan ng supply at seguridad ng pagkain sa bayan ng Bayambang.
Bilang LNEWS core group member, dumalo sina Special Economic Enterprise head, Atty. Melinda Rose Fernandez, at iba pang department head mula sa Agriculture Office, Rural Health Unit I, at MDRRMO upang sumagot sa katanungan ng mga validators at magbigay ng mungkahi.
Ang LNEWS ay nagsisilbing instrumento para agad malaman ang estado ng bawat bayan ukol sa food and nutrition security ng kanilang mga nasasakupan upang maagap na masolusyunan ang problemang pangkalusugan na dulot ng malnutrisyon at kawalan ng sustainability sa food production at food sourcing.
Sa LNEWS, gumagamit ang MNAO staff ng isang survey tool upang masukat ang lawak ng kagutuman (hunger) at food insecurity sa mga pilot barangay. Ayon sa MNAO, sa huling quarter ng taon ay “within normal conditions naman ang lahat.”
Sa huli ay kinongratulate ng NNC-R1 ang LGU-Bayambang dahil sa maraming programa nito patungkol sa food sustainability, kalusugan, at nutrisyon. Kabilang dito ang konstruksyon ng Pantol-to-San Gabriel II Road with Bridge project na siguradong magpapabilis sa transportasyon ng mga produkto ng onion at vegetable farmers sa merkado.