Noong Hunyo 20, 2023, sumailalim ang buong LGU-Bayambang sa isang Mock Audit kasama ang mga internal auditors mula sa LGU ng Alaminos City. Layunin ng mock audit na masuri ang antas ng pagsunod sa ISO 9001:2015 standards, mga requirements ng national government, at pagpapabuti ng pagsisilbi sa mga customers ng lokal na pamahalaan ng Bayambang at matukoy kung saan-saang aspeto pa ang kinakailangang pagbutihin.
Nagsimula ang mock audit sa isang oryentasyon kung saan ipinaliwanag ng mga auditor ang layunin at saklaw ng audit. Ibinahagi nila ang kanilang mga karanasan at nagbigay ng isang pangkalahatang ideya ng mga pamantayan ng ISO 9001:2015, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pamamahala na de-kalidad at patuloy na pagpapabuti sa mga proseso at serbisyo.
Ang oryentasyon ay dinaluhan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, na binigyang-diin ang tungkol sa pagbibigay ng Total Quality Service sa lahat ng Bayambangueño. Naroon din sina Coun. Martin Terrado II, Coun. Benjie de Vera, Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, Chief Executive Assistant at Quality Management Representative Carmela Atienza-Santillan, at mga department head. Maging si Mayor Quiambao ay sumailalim sa audit ng Top Management na nakakuha ng anim na positive findings mula sa auditors. Ilan sa mga positive findings ay ang pag-implement ng e-Agro upang matulungan ang mga magsasaka at sa pagiging sensitibo at mabilisang aksyon ng local chief executive sa mga pangangailangan ng mga Bayambangueño.
Masusing sinuri ng mga auditor ang mga proseso at pamamaraan na ipinatutupad ng bawat departamento na may pokus sa pagsunod sa mga pamantayan ng ISO 9001:2015. Nirepaso nila ang kanya-kanyang mga dokumento, kinapanayam ang mga pinuno at kawani, at inobserbahan ang aktuwal na pagpapatupad ng Quality Management Practices sa kanya-kanyang mga tanggapan.
Ang mock audit ay nagbigay ng maraming lesson sa LGU upang sukatin ang kahandaan para sa nalalapit na ISO 9001:2015 Certification Audit.