Noong May 17, nagtungo ang Department of Health sa Bayambang upang magsagawa ng rapid case monitoring ukol sa implementasyon ng MR-OPV Supplemental Immunization Activity ng ating mga Rural Health Unit at mga health worker.
Kabilang sa mga dumating sina DOH-CHD 1, Dr. Clyde Gubatan, ang MO IV-Cluster Head on Family Health, Angelito Cuevas na Program Nanager ng Dengue/Malaria, at DOH representative Joanne Villanueva.
Ang mga bisita ay umikot sa Telbang, Sanlibo, at Malioer.
Ayon kay Municipal Health Officer, Dra. Paz F. Vallo, ibinalita ni Dr. Gubatan na nangunguna ang Bayambang sa lahat ng munisipalidad sa Pangasinan sa MR-OPV SIA implementation, kaya’t kanilang inalam ang ginawang istratehiya ng ating mga RHU upang maging matagumpay ang nasabing vaccination activity.
Paliwanag ni Dr. Vallo, ang mga RHU ay: (1) nag-set ng mga target at pag-aabiso sa mga implementors, (2) araw-araw na monitoring ng mga accomplishment, (3) paghikayat sa publiko sa pamamagitan ng social media, at (4) pagpupulong matapos ang pitong araw ng implementasyon, kabilang na ang pagtugon sa mga naging isyu at suliranin.