Nagtungo sa Bayambang ang mga validator mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) noong ika-15 ng Hunyo upang isagawa ang isa na namang regional validation para sa paggawad ng Seal of Good Local Governance (SGLG). Ang SGLG ay pinakamataas na pagkilala na maaaring matanggap ng gobyernong lokal mula sa national government bilang isang marka o sertipikasyon ng mabuting pamamahala.
Sa kanyang mensahe bilang kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, nilinaw ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, na datapwat nais makamit ng Munisipyo ang naturang pagkilala, “Ang focus po talaga ng LGU-Bayambang is really our service to our people. We want to continue our hard work to serve and help our people here in Bayambang. We really want to show you what LGU-Bayambang is made of.”
Ang Regional Assessment Team ay pinangunahan ni CLGOO VII Roger P. Daguioag bilang Team Leader, kasama sina LGOO III Maria Beverly Ines-Baquiran at CSO Representative, Bishop Reynado Lazo.
Kaagad na umikot ang validators sa Municipal Hall, Events Center, MRF, Wawa Evacuation Center, Annex Bldg., RHU I, MDRRMO, PWD access ramps, Public Market, at public restrooms.
Sa Balon Bayambang Events Center, isa-isa nilang vinalidate ang mga papeles ng kada departamento at ahensya.
Kasama rin na bumisita si DILG Provincial Director Virgilio Sison bilang pagpapahayag ng suporta. Ani Sison, espesyal sa kanya ang bayan ng Bayambang dahil ito ang kanyang unang assignment bilang opisyal ng DILG.
Sa paggabay ng bagong MLGOO na si Johanna Montoya, inilatag ng mga department head ng iba’t ibang opisina ng LGU Bayambang at maging ng mga opisyal ng PNP, BFP, at DepEd ang mga nauukol na dokumento ayon sa sampung aspeto ng lokal na pamamahala, kabilang ang Financial Administration and Sustainability; Disaster Preparedness; Health Compliance and Responsiveness; Social Protection and Sensitivity; Youth Development; Safety, Protection, and Order; Business Friendliness and Competitiveness; Sustainable Education; Environmental Management; at Tourism, Heritage Development, Culture and Arts.
Naroon rin ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan upang ipakita ang kanilang suporta at kagustuhan na masungkit ang SGLG sa pagkakataong ito para sa bayan ng Bayambang.